Ang kasaysayan ay dahil sa mga nangahas
Sa isang piging sa Espanya pagbalik ni Columbus pagkadiskubre niya sa America, nilait-lait siya ng mga Kastilang kasama sa mesa. Suspetsoso at inggit sila sa Italyanong hinahangaan ng hari nila. Anila kahit sino’ng tumawid ng dagat patungong kanluran ay matutumbok at mapapadpad sa lupain na ‘yon. Tsamba lang na si Columbus ‘yon, ismid nila.
Dinampot ni Columbus ang isang itlog sa hapag-kainan at iniabot sa isang nambubuska. “Itayo mo nga ito sa dulo niya,” aniya. Sinubukan ito ng hinamon pero hindi maitayo ang itlog sa dulo nito. Ipinasa ito sa ibang nakapaligid; bigo lahat. Pagbalik ng itlog kay Columbus biniyak niya ito sa dulo at itinayo. Pinakita niya na kailangan ng imahinasyon para magawa ang anumang makasaysayan.
Aral ito sa anumang gawain sa buhay. Mangarap at mangahas upang may marating. Huwag isiping hindi kayang magkolehiyo dahil mahina ang utak at kapos ang pangmatrikula; sumubok mag-entrance exam. Huwag magmukmok na baka ma-busted ng babae na ikinatitibok ng puso; umakyat ng ligaw. Huwag matinag sa laki at lakas ng tao o bansang bully; hanapin at tirahin ang kahinaan nito.
Inamin ni Rizal na wala siyang kabalak-balak sulatin ang “Noli” at “Fili”. Bihasa siyang umakda ng sanaysay, maikling kuwento at tula, pero walang alam sa pagnobela. Ganunpaman kumatha siya nang palihim sa mga kapwa-repormista. Nu’ng matapos ang una nagulat ang marami at nasundan pa ng pangalawa.
Napukaw ng dalawang nobela ang damdamin ng mga Pilipino na hangarin ang kalayaan. Nagtatag sila ng Katipunan at sumigaw ng “Himagsikan!” Kinulong at pinatay ng Kastila si Rizal. Ngayon meron tayong Republika ng Pilipinas. Nangarap si Rizal ng pagbabago. Nagsilang ito ng independiyente at demokratikong bansa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest