Mangkukulam
Ang kaso ay may kinalaman kina Mercy, Rosie, Cora at mister nitong si Lando. Sinampahan sila ng anim na kaso ng paninirang-puri dahil pinagbintangan nilang “mangkukulam” ang kapitbahay nilang si Cristy.
Sa unang kaso, isinaad ni Cristy na si Mercy ang nagkakalat ng balitang mangkukulam siya at kinulam niya raw ang tatlong katao na namatay sa kanilang lugar. Sa pangalawang kaso, tinawag di-umano ni Mercy na “aswang” si Cristy. Sa pangatlong kaso, sinabi naman daw ni Cora na pinamana ng tatay ni Cristy ang kapangyarihan ng pangkukulam at pinasa naman ito ni Cristy sa anak.
Ang pang-apat na kaso ay tungkol naman sa pagtawag ni Cora ng “aswang” kay Cristy. Ang panglimang kaso ay nang paratangan ni Lando si Cristy na kinulam nito ang anak na si Jill. Ang pang-anim na kaso ay si Rosie naman ang nagsabing kinukulam ni Cristy si Jill na anak ni Lando.
Bago magsimula ang demanda, nagsumite ng mosyon ang apat para ibasura ang kaso. Wala naman daw masamang magbintang na mangkukulam ang isang tao. Pinagbigyan ng mababang korte ang mosyon. Sa panahon daw ngayon ay wala na talagang naniniwala sa kulam.
Nang umakyat sa Korte Suprema, binaliktad ang resolusyon ng mababang korte. Pinatuloy ang paglilitis ng anim na kaso. Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, hindi kailangan na totoo o tsismis lang ang paratang para maparusahan alinsunod sa Art. 353 ng Revised Penal Code. Kahit pa sabihin na lumipas na ang paniniwala ng mga tao sa kulam at sa mangkukulam, masakit pa rin na pagbintangan na mangkukulam o aswang.
Ang mangkukulam ay isang taong gumagawa ng kulam, may kaugnayan sa itim na salamangka at masasamang espiritu. Ang bansagan si Cristy na isang mangkukulam ay bintang na nakasisira sa kanyang pangalan at reputasyon. Kapag inisa-isa ang mga paratang ay papasok ito sa kategorya ng paninirang-puri ayon sa dinidikta ng Art. 358 ng Revised Penal Code. Lalo ang bintang na siya rin ang sanhi ng pagkamatay ng tatlong tao sa kanilang lugar.
Tinawag din siyang “aswang” na namemerwisyo ng mga buntis at nag-aanyong aso. Pinakamasama pa nito ay pati anak ni Cristy ay idinamay at sinabing namana sa kanya ang pangkukulam. Walang pakundangang ipinagkalat nina Lando at Rosie sa kanilang mga kakilala na kinulam ni Cristy ang kanilang anak para siraan ang pobreng babae kaya tama lang na bawiin ang pagbasura ng kaso at litisin sila sa kasong paninirang-puri (People vs. Carmen, Dulce, Francisco Sario and Asuncion Requiron, G.R. LS20754-20759, June 30, 1966).
- Latest