Pag-import ng pagkain ikagugutom kinalaunan
Sa rami ng fastfood restaurants sa Pilipinas hindi nakakagulat na milyon-milyong burger, hotdog at pirasong manok ang nakakain araw-araw. Nararapat lang na sa Pilipino bumili ng beef, pork at chicken ang mga restaurateur. Sa pagtangkilik nila sa lokal kikita ang magbabaka, magbababoy, magmamanok at suppliers ng pagkain. Lalago ang hanapbuhay sa kanayunan. Sa paglaki ng mga operasyon makikinabang ang mga taga-lungsod: gumagawa ng makina, damit, home appliances, gamit pang-konstruksyon at pambahay, gamot, sasakyan, atbp. Gan’un umiikot at umaangat ang ekonomiya.
Sa pagtangkilik din ng mamimili sa lokal na ani kumikita ang magpapalay, maggugulay at magpuprutas. Kapalit nakakabili rin sila ng mga galing sa siyudad. (Ang milyong mga Chinese, Korean at Hapon sa Pilipinas ay sa kanilang bansa bumibili ng pansit, kimchi at toyo.)
Kung i-boycott ng mga Pilipino ang imported na galunggong, tulingan, bonito, mackerel at sardinas, sasagana ang kita ng maliliit na mangingisda at commercial fleets. Lalago rin ang fishpens at ponds sa pagtangkilik sa bangus at tilapia. Masaklap na ang imported na isda ay galing sa China, na nagnanakaw ng daan-milyong kilo sa dagat ng Pilipinas. Binubundol pa at sinasaktan ang mga Pilipino sa laot.
Kakitiran ng pag-iisip ang pag-import ng gobyerno ng pagkain. Panandaliang napapasaya ang mamimili sa siyudad. Pero sa kalaunan sila rin ang mawawalan ng trabaho at negosyo kung namulubi ang mga nagtatanim, nagpapalaki at nanghuhuli ng pagkain.
Pinalalala pa ng smuggling ang problema. Sa puslit na karne, gulay at prutas nawawalan ng buwis ang gobyerno. Yumayaman ang iilang tulisan at kasapakat sa Customs. Nakasalalay ang seguridad sa pagkain kung sobra ang lokal na produksiyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest