Menopause at mga sintomas ng babae
Ang menopause ay ang permanenteng pagtatapos ng regla at fertility o kakayahang magbuntis. Masasabing menopause ang babae kapag 12 buwan na nakalipas mula sa huling araw ng regla. Sa ibang kababaihan nangyayari ang menopause sa edad na 30s o 40s, habang sa iba naman ay 50s o 60s.
Ang menopause ay natural na proseso at hindi ito sakit. Ngunit ang pisikal at emosyonal na sintomas ng menopause ay maaaring makagambala sa iyong pagtulog, makapagpahina, at magdulot ng kalungkutan.
Tandaan: Ang menopause ay hindi ibig sabihin na mababawasan ang iyong pagkababae at sekswalidad. Sa katunayan, maaari maging isa ka sa mga babaeng puwedeng mag-enjoy ng pagtatalik na walang inaalala na baka mabuntis pa.
Ang senyales at sintomas ay nararamdaman kung palapit na ang menopause. Kabilang dito ang:
1. Iregular na buwanang daloy.
2. Nababawasan ang pagiging fertile.
3. Panunuyo ng puwerta.
4. Hot flashes o mainit na pakiramdam.
5. Nagagambala ang pagtulog.
6. Pabagu-bago ang mood o emosyon.
7. Lumalaki at tumataba sa tiyan.
Mga sintomas sa babae na dapat masuri:
1.May bukol sa suso, kahit gaano kaliit
Mga 10% ng mga kababaihan na may bukol sa dibdib ang nagkakaroon ng kanser. Minsan, normal na may mga bukol sa suso na nagsama-sama (tinatawag na fibroadenoma), o kung minsan ay cyst lamang. Karaniwan na nagkakaroon ng mga maliit na bukol kung parating na ang regla. Pero kung hindi ka sigurado sa sanhi ng bukol, kinakailangan magpatingin sa surgeon o doktor. Dahil ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng babae sa kanser ay breast cancer.
2. Abnormal na pagdurugo.
Maraming bagay ang naka-a-apekto sa regla ng babae, tulad ng pagbaba ng timbang, sobrang ehersisyo at stress. Madalas na kusa itong bumabalik sa normal at hindi na kailangan gamutin. Ngunit kung ang iyong dalaw ay patuloy na hindi regular, malakas o mas tumatagal ang pagdurugo, dapat ng kumunsulta sa OB-Gyne. Kung may pagdurugo pagkatapos ng pagtatalik, o sa pagitan ng iyong regla, magpa-check-up din. Kung naranasan ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause, maaari isa itong tanda ng kanser.
3. Hindi normal na discharge
Ang normal na discharge mula sa puwerta ay malinaw o puti ang kulay at walang amoy. Pero kung ang discharge ay kulay dilaw, brown o pula, at may mabahong amoy, maaaring tanda ito ng mga sakit. Ang kadalasan dahilan ng ganitong discharge ay impeksiyon tulad ng bacterial vaginosis o thrush, at mga STD tulad ng chlamydia, gonorrhea, herpes o trichomoniasis. Kung hindi magamot ang STD, maaaring humantong ito sa pelvic inflammatory disease impeksiyon sa reproductive organs, na maaaring maging malubha at mawalan ng kakayahan na magbuntis ang babae. Posible din na kanser sa cervix (kuwelyo ng matris) ang dahilan ng abnormal na discharge. Kumunsulta sa OB-Gyne.
- Latest