Magkaisa
May kanya-kanyang pinagmamalaking suporta ang ating kandidatong pampangulo. Habang palapit ang May 9, lalong nagiging mapusok ang damdamin nang marami. Subukan nating debatihin ang hindi kakampi—good luck na lang kung hindi mauwi sa away o dismaya.
Subalit sinuman ang tanghaling presidente sa May 9, tayo pa rin ang magkakasama sa ibaba. Habang kinukumpuni ng nagtagumpay ang kanyang plano, pangkat at programa para sa susunod na anim na taon, tayo man ay dapat magkumpuni rin ng lipunan nang mahilom ang mga lamat na ibinunga ng kampanya.
Mas hahanapan ng lakas ng loob ang mga taong nanggagalaiti ang galit sa inaayawan nilang kandidato, at idinamay pa ang mga supporter ng huli sa kanilang pagkamuhi. Kung ang kontra partido ay pagkakaisa ang mensahe, sadyang mahirapan mag-move on ang nagpipilit na talikuran ang pagkakaisa.
Sana ay hindi malimutan na magtugma man o hindi ang paniniwala at paninindigan, tayo ay sama-sama pa rin sa iisang lipunan. Hindi sa lahat ng panahon ay magkakapareho lahat ng kanilang posisyon. Imposibleng mangyari. Subalit kung hahayaan nating mamayani ang kagustuhan ng bawat isa, tayo rin ang mahihirapan. Riot ang katapat nun.
Sa demokrasya, ang pasya ng nakararami ang nananaig. At malalaman natin kung ano ang pasyang ito sa pamamagitan ng eleksyon, kesyo kinatawan ang pipiliin o mismong panukalang batas sa isang plebisito. Ni hindi nga kondisyon na mayorya ang porsiyento ng boto—kahit pluralidad lang maski hindi umabot ng 50% plus one. Kung sino lang ang mas marami. Sakaling mayroon mang makakamit ng mayorya o 50% plus one mahigit, bonus na ‘yun.
Sa loob ng limang araw, matatapos na ang suspense. Maganda ang mensahe na tayo ay magkaisa. Kailangan ang ganitong uri ng positive thinking dahil, maging sinuman ang maupo, ang pagbangon mula sa sadlak ng nakalipas ay magagawa lang natin kapag tayo’y magtutulungan.
- Latest