Malaking tulong sa healthcare workers
NILAGDAAN ni President Rodrigo Duterte ang batas na nagbibigay mandato para sa tuluy-tuloy na benepisyo ng mga healthcare workers sa panahon ng COVID-19 at iba pang public health emergencies na maaring maganap sa mga darating na panahon. Ang Republic Act No. 11712 o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act” na makapagbibigay benepisyo sa lahat ng healthcare and non-healthcare workers sa panahon ng COVID-19 pandemic o iba pang mga national public health emergencies na maaaring maganap.
Nagpasalamat si Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan na tagapanguna ng Committee on Health ng House of Representatives at isa sa mga may akda ng batas sa paglagda ng Pangulo. “Lubos ang aking katuwaan na matapos ang mahabang usapin at sa harap ng maraming hinaing ng ating mga healthcare workers ay mabibigyan na sila ng patuloy na mga benepisyo sa panahon ng COVID-19 at iba pang mga pandemya na maaaring maganap. Nagpapasalamat ako kay President Duterte sa kanyang pagtaguyod sa ating mga workers sa health sector. Ito ay mahalagang regalo sa ating mga manggagawang pangkalusugan lalo na sa paggunita ng Labor Day sa bansa”, pahayag ni Tan.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19 depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 doon sa “medium risk areas; at P9,000 kung naka-assign sa “high-risk areas. Maliban dito, ang mga nahawa ng COVID-19 habang nasa trabaho ay mabibigyan ng kabayaran: P1 million para sa mga naulila ng mga namatay; P100,000 para sa mga severe o critical case; at P15,000 para sa mild to moderate case.
Mabibigyan din ang lahat ng health care and non-health care workers ng full PhilHealth coverage. Ang nasabing mga benepisyo ay magkakaroon ng retroactive application mula Hulyo 1, 2021 at mananatili habang may state of national public health emergency na idineklara ang Pangulo.
* * *
Lumalakas pa ang tambalan nina VP Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan ngayong papalapit na ang eleksyon. Noong nakaraang Sabado, dinumog ng mga tao ang kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City upang ipakita ang kanilang suporta sa kanila. Sinasabing binasag ni Robredo ang hawak na record ni Pres. Rodrigo Duterte pagdating sa pinakamalaking political rally na naganap sa bansa sa loob ng isang dekada. Sa pagtatala ng organizers, mahigit 412,000 na katao ang dumalo sa isinagawang campaign rally ni Robredo at Pangilinan. May rason nga bang kabahan ang mga kalaban ni Robredo?
Kung ang sinabi ni dating Senador Sonny Trillanes sa naganap na political rally ang pagbabasehan, hindi lang sila dapat kabahan—sila rin ay kailangan nang magtago. Epektibo ang pakikipagtao o house-to-house campaign na inilunsad ng mga volunteers ni Robredo. Nakatulong din ang pagtindig nang maraming artista at mga maimpluwensyang tao na nagpahayag ng suporta kina Robredo at Pangilinan.
- Latest