Broken promise ni President Duterte
Isa sa pangunahing campaign promise ni President Duterte bago mahalal na Pangulo Noong 2016 ay ang pagtuldok sa contractualization o ang pagtatanggal ng mga empleyado bago mapaso ang kanilang kontrata kada limang buwan. Endo o end of contract ang tawag dito na isinasagawa ng maraming kompanya.
Nagsimula ito noong panahon pa ni President Marcos sa layuning mabawasan ang pabigat sa mga employer na dapat magbayad ng maraming benepisyo sa mga regular na empleyado. Sa ilalim ng batas, kapag lumampas ng anim na buwan ang pagtatrabaho ng isang manggagawa, awtomatiko siyang nagiging regular employee. Kaya matapos ang limang buwan, terminated na ang kanilang kontrata at maghihintay na lang ng renewal of contract.
Napakatusong paraan para maiwasan ang regularization. Pero in fairness, may mga employers ding may puso na hindi nagpapatupad nito. Nabuo kasi ang batas sa contractualization sa panahong desperado ang pamahalaan na papasukin ang maraming negosyo sa bansa na kailangan para umunlad ang ekonomiya.
Ito ay isang paraan para mahikayat ang mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa ngunit itinuturing ng mga nasa labor sector na anti-labor. Matatapos na ang termino ni Duterte, buhay na buhay pa rin ang endo. Bakit kaya? Kasi, isa lang itong political campaign pitch na napakahirap maipatupad.
Nagpapakita lang ito sa malakas na impluwensya ng sector sa negosyo na puwedeng takutin ang pamahalaan na mag-uurong sila ng investment kapag ipinatupad nang sapilitan ang pagtanggal sa endo.
Sa palagay ko, walang sino mang leader na mailuluklok ang makapagaalis sa contractualization sa isang iglap dahil sa magiging implikasyon nito kapag nagsiatras ang maraming investors.
- Latest