Mga PAGs sa Abra, sa kulungan ang bagsak imbes na kumita!
Halos retired o discharged military personnel pala ang mga naarestong private armed groups (PAGs) na sinuwelduhan ng P40,000 per month ng kampo ni Pilar, Abra Vice Mayor Josefina Jaja Disono. Nais lang kumita ng 12 na mga kosa nating dating mga miyembro ng Philippine Marines at Philippine Army kaya lang sa kasamaangpalad, imbes na kumita ay patung-patong na kaso ang haharapin. Get’s n’yo mga kosa? Pampatawid gutom sana ng pamilya ang pitsa kaya lang minalas sila at nakipagputukan matapos alpasan ang checkpoint operations ng pulisya kaya’t malaki ang posibilidad na hihimas sila ng rehas na bakal, di ba mga kosa?
Inutusan ni Cordillera police director Brig. Gen. Ronald Lee si Col. Maly Cula, Abra provincial director na sampahan ng kaso hindi lang ang 12 na mga dating sundalo kundi maging si Vice Mayor Disono at iba pa. Dipugaaaaa! Hak hak hak! Damay-damay na ito, di ba mga kosa?
Nakumpiska din ng mga bataan ni Gen. Lee ang aabot sa 14 de-kalibreng baril sa compound na tinitirhan nina Vice Mayor Disono at kapatid na si Mayor Mark Roland Somera. Ayon kay Col. Cula puro registration lang ng baril ang ipinakita ni Vice Mayor Disono at asawa niya. Ini-establish pa ni Col. Cula ang ilang bagay-bagay tungkol sa baril, lalo na ang permit to carry firearms outside residence (PTCFOR). Sa monitoring ng Abra PNP at military intelligence, ang mga baril ay pinapahawakan sa 12 dating sundalo tuwing lalabas sila sa compound at mag-ikot para mangampanya.
Inaalam pa ni Col. Cula kung bakit kumuha pa ng armed goons ang magkapatid na mayor at vice mayor samantalang ang mahigpit nilang kalaban ay pinsang buo nilang si Tyrone Beronia. Ayon kay Cula, wala namang PAGs si Beronia. Dipugaaaaa! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa?
Ayon kay Col. Cula, sinimulan nilang i-monitor ang kampo nina Mayor Somera at kapatid na Vice Mayor Disono nang dumating sa poder nila ang apat na kalalakihan noong Oktubre ng nakaraang taon. Noong Marso 16 ay naging 15 na ang mga ito at lihim silang minanmanan ng pulisya at militar. Kaya nitong Marso 29, nag set-up ng checkpoint ang Pilar MPS, RMFB 15, RIU ng Cordillera police, at Abra PPO sa Beroña St, Poblacion para i-intercept ang mga armadong kalalakihan.
Kaya lang, imbes na huminto, humarurot ang puting Toyota Hi-Ace van at sinagasaan pa sina Lt. Boyd Leeson Kis-ing at Pat. Frenzel Paus Alperez. Nagkaroon ng palitan ng putok at narekober ang sasakyan sa loob ng compound kung saan nakita rin ang bangkay ni Sandee Boy Bermudo, 34. Dipugaaaaa! Hak hak hak! Matapos ang stand-off nakipag-cooperate naman si Vice Mayor Disono sa imbestigasyon ng kaso. Mismooooo!
Sinabi ni Gen. Lee na balik normal na ang sitwasyon sa Pilar town at ang mga tao ay ginagawa na ang dating galaw nila na walang takot. Abangan!
- Latest