Sakit ng ulo; Sakit ng tiyan
NARITO ang mga uri ng sakit ng ulo (headache):
1. Tension headache - Pakiramdam na parang may headband sa noo at mahigpit o masikip sa noo at likod ng ulo. Kapag hinawakan ang balat, masakit sa anit, leeg o balikat dahil sa stress, galit, pag-aalala, lungkot at kaba.
2. Migraine headache – Minsan, masakit sa kalahating parte ng ulo, nahilo o parang nasusuka, sensitibo sa liwanag, ingay at parang pagod. Gayundin may “aura” o warning signs na para bang umiilaw o blank spots o iba’t ibang kulay ang nakikita.
3. Cluster headache - Ang sakit na pumupunta sa may mata, mukha, ulo, leeg at balikat. Sa 1 parte lang nakararanas ng pagluluha at mapula ang mata, may sipon, at sobra ang sakit.
Rekomendasyon:
1. Kung migraine headache, iwasan ang mga triggers na pagkain, kumain ng regular 3 beses sa 1 araw at uminom ng sapat na tubig.
2. Magkaroon ng sapat na tulog, huwag magpupuyat.
3. Kung mag-eehersisyo, piliin lamang ang kaya ng inyong katawan o iyong mga magagaan lamang.
4. Relaxation technique: magpamasahe, meditation, at ang pagligo ng maligamgam na tubig ay may tulong para mabawasan ang sakit ng ulo.
5. Cold compress sa masakit na ulo. Warm compress sa masakit na muscle.
6. Iwasan ang sobrang mapagod, pati na ang sobrang lamig o init.
7. Kumunsulta sa Neurologist kung sobra ang sakit ng ulo, sobrang hilo, nagsusuka, walang balanse, may mataas na lagnat, at nawalan ng malay.
* * *
Sakit ng tiyan
Para malaman ang mga posibleng dahilan ng pananakit ng tiyan, heto ang mga itanong sa pasyente. Una, nasaang parte ng tiyan ang masakit? Pangalawa, ano pa ang iba mong nararamdaman?
Alamin natin ang mga posibleng sanhi ng sakit ng tiyan:
1. Ulcer o hyperacidity - Kapag ang pananakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa gitna, o medyo kaliwa, ito ang lugar ng sikmura. Posibleng ulcer o hyperacidity ang iyong sakit. Ang sakit na ito ay nararamdaman kapag ika’y gutom o kahit bagong kain. Nababawasan ang sakit kapag kumain ka ng saging o tinapay. Uminom din ng maraming tubig.
2. Gallbladder stones - Kapag ang sakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa kanan, ito ang puwesto ng gallbladder o apdo. Posibleng may bato ka sa apdo. Minsan ang sakit na ito ay tumutugon din sa bandang taas ng likod. Dumarating din ang sakit kapag nakakakain ka ng mamantika at matataba na pagkain. Magpa-ultrasound ng tiyan para malaman kung may bato ka o wala.
3. Appendicitis - Kapag nasa ibaba at kanan na lugar, ito ang lugar ng appendix. Ang sakit ng appendicitis ay nag-uumpisa sa may sikmura at pagkaraan ng 2-3 araw ay lumilipat sa kanan. Masakit ang lugar na ito kapag dinidiinan. Kumonsulta agad sa doktor.
4. Colic - Kapag paikot-ikot ang sakit at walang permanenteng lugar, ito ay marahil sa paghilab ng bituka. Ang tawag dito ay colic at hindi naman delikado. Baka nasira ang iyong tiyan sa maduming pagkain at magtatae ka lang.
5. Gastroenteritis - Kung mahilab ang iyong tiyan at nagtatae ka, ito ay malamang dahil sa gastroenteritis o impeksyon na nakuha sa panis o maduming pagkain. Uminom ng maraming tubig at kumain ng saging.
6. Amebiasis - Kapag madalas kang dumumi at may bahid ito ng sipon at dugo, posibleng amebiasis ito. Uminom ng gamot.
7. Kidney infection or stones - Kapag sa may puson ang sumasakit at mahapdi ang iyong pag-ihi, posibleng may impeksyon ka sa ihi o may bato sa bato (kidney stones). Tingnan din kung mapula ang ihi dahil senyales ito ng bato. Magpa-check ng urinalysis para malaman ang sakit.
8. Sakit sa matris o obaryo - Kapag ika’y babae at sa may puson ang sakit, posibleng nasa obaryo at matris ang iyong problema. Puwede itong dysmennorhea (sakit kapag malapit na ang regla), ovarian cyst (bukol sa obaryo) o myoma.
Huwag matakot kumonsulta sa doktor para sa problema sa tiyan. Gastroenterologist, internist o surgeon ang dapat puntahan.
- Latest