Huwag magpakabusog
Ang pagkain ng labis ay nagdudulot nang masamang epekto dahil nahihirapan ang ating katawan na tunawin ito. Dodoble ang trabaho ng ating atay, pancreas, bato at puso dahil sa sobrang pagkabusog.
Tataas din bigla ang ating blood sugar. Kapag labis ang kinain mong karne, marami ring dumi (na kung tawagin ay “free radicals”) ang ilalabas nitong mga pagkain.
Kaya ipinapayo ng eksperto ang pagkain ng “high nutrient at low calorie diet.” Ang ibig sabihin, mataas sa nutrisyon ang iyong dapat kainin pero mababa naman sa calorie.
Para matupad ito, subukang kumain nang mas maraming gulay, isda, prutas, beans at soy products (tofu, taho, tokwa). Bawasan ang pagkain ng karneng baka at baboy, matatamis na inumin, at matatabang pagkain. Medyo limitahan din ang pagkain ng kanin. mga kalahati o 1 tasang kanin lang bawat kainan, pero damihan na lang ang gulay at prutas. Kung mababawasan mo ng 10% ang iyong kinakain ay pupuwede na.
Ang isa pang kasabay na payo ay ang pagkain ng 5-6 na beses sa isang araw, pero pakonti-konti lang. Ang isang saging, mansanas o pandesal ay puwedeng pangmeryenda na.
Sa ganitong paraan, dahan-dahan ang pagpasok ng nutrisyon sa katawan. Mas maginhawa ito sa mga organ ng ating katawan. At marahil dahil dito, kaya humahaba ang buhay ng mga taga-Okinawa, Japan. Gayahin natin sila. Huwag magpakabusog.
- Latest