EDITORYAL - Bumabaha dahil sa basurang plastic
NOONG nakaraang Biyernes, bumaha sa España Boulevard, Rizal at Taft Avenues sa Maynila. Umulan nang malakas. Sa wala pang kalahating oras na pag-ulan, umapaw agad ang España at maraming maliliit na sasakyan ang hindi makaraan. Ganundin ang nangyari sa Taft Avenue kaya maraming pasahero ang na-stranded. Naglakad na lamang sila sa hanggang tuhod na baha. Isang kakaibang tanawin sa panahon ng tag-araw.
Basura ang dahilan kaya laging bumabaha sa Metro Manila partikular na sa Maynila. Ilang dekada na ang problemang ito subalit hanggang ngayon, problema pa rin at mas malala dahil kaunting ulan, baha agad.
Inamin na noon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na mga basura ang dahilan nang pagbaha na karamihan ay pawang plastic. Hindi raw kaya ng pumping stations na pabilisin ang pagliit ng baha dahil sa mga basurang plastic. May 66 na pumping stations sa Metro Manila.
Gumastos ang pamahalaan ng bilyong piso para sa flood control program pero balewala rin sapagkat bumabaha pa rin dahil sa mga nakabarang basura. Hindi lang pangkaraniwang basura ang nakabara kundi mga plastic na hindi nabubulok. Karaniwang plastic sando bags, sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng instant noodles, plastic shopping bags at ngayong may pandemya, nadagdag ang mga ginamit na face masks, face shields at iba pang PPEs.
Maraming estero ang hindi na gumagalaw ang tubig dahil sa rami ng basura. Kadalasang ang mga informal settlers na nasa pampang ng estero ang nagtatapon ng mga basurang plastic. Naging maluwang na basurahan nila ang mga estero.
Noong nakaraang Marso 2, lumahok ang Pilipinas at ba pang bansa sa UN resolution para wakasan ang plastic pollutoin. Naganap ang historic resolution sa UN Enviromental Assemby sa Nairobi, Kenya. Sa resolution, ipinaliwanag ang full life cycle ng plastic products – mula sa produksiyon at design disposal ng mga ito. Inaasahan na ang resolution ang magwawakas sa problema sa plastic pollution sa buong mundo.
Ipagpatuloy naman ng MMDA ang regular na paglilinis o declogging sa drainages at maging sa mga estero. Maraming nakabara at dapat maalis ang mga iyon. Ipag-utos naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga kapitan ng barangay na paigtingin ang pagbabantay sa mga magtatapon ng basura sa mga kanal, estero, sapa at imburnal. Sila ang kastiguhin sa pag-apaw ng mga basura.
- Latest