Karaniwang sakit ng mga OFW tinukoy
Marami ring overseas Filipino worker ang dinadapuan ng iba’t-ibang karamdaman habang nasa ibang bansa. Ayon sa isang pag-aaral ng National Research Council of the Philippines (NRCP) ng Department of Science and Technology, isa sa mga peligrong maaaring kaharapin ng isang OFW sa pagtatrabaho sa ibang bansa ay gumasta nang malaki sa pagpapagamot sa kanilang sakit sa halip na maidagdag ang pera sa kanilang iniipon para sa kanilang pamilya.
May mga OFW na winawalambahala ang anumang nararadaman sa katawan, tinitiis ang sakit o nagsasagawa ng self-medication sa halip na magpatingin sa duktor.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, ipinalabas ng NRCP ang resulta ng isang pag-aaral ni Dr. Veronica Esposo Ramirez ng University of Asia and The Pacific na nag-imbestiga sa karaniwang problemang pangkalusugan ng mga OFW at ang mga implikasyon nito sa prevention at health services. Isinagawa ang survey electronically sa Regional Offices ng Overseas Workers Welfare Administration sa National Capital Region, Region 1, 3, 4A, 6, and 10. Nagsagawa rin siya ng survey sa Middle East, Asia, Europe, Americas, at iba pa. Ginamit din sap ag-aaral ang mga datos mula sa OWWA at Philhealth medical claims, surveys at focus group discussions.
Batay sa quantitative at qualitative analysis, karaniwang sakit na dinaranas ng mga OFW ay iyong mga may kaugnayan sa cardiovascular, reproductive, digestive, at urinary/ excretory systems. Mas marami ang OFW ang merong hypertension, arthritis, at hepatitis.
Tinukoy sa pag-aaral na ilan sa pangunahing dahilan kaya hindi nagpapatingin sa duktor o sa ospital ang maraming OFW ay dahil sa kawalan ng kamulatan sa mga benepisyong makukuha nila sa OWWA at PhilHealth, layo ng lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan sa mga health service center, takot na baka mawalan sila ng trabaho at umaasa sa self-medication.
Isa sa mga nagpapatotoo sa naturang pag-aaral ang obserbasyon ng ilang mga duktor na Pilipino sa bansang United Arab Emirates na dahilan para manawagan sila sa mga OFW na regular na magpatingin sa duktor. Bagaman sa mga OFW sa UAE ang kanilang obserbasyon, hindi malayong nangyayari rin ito sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na kinaroroonan ng ibang mga OFW.
Isang General Practitioner ng Al Hana Modern Medical Center sa Dubai, UAE na si Dr. Michelle Bodadilla ang nagsabo na karamihan ng mga Pilipinong nagpapatingin sa kanilang ospital ay madalas ireklamo ang mga chronic at acute cases o iyong sakit na malubha na. Dalawa sa mga pangunahing sanhi ay konektado sa diet at lifestyle ng mga OFW.
“Karamihan sa mga acute case ay dahil sa respiratory tract infection, back pain, abdominal pain, at muscle pains. Karamihan sa mga problemang kinakaharap ng mga pasyente sa UAE ay may kaugnayan sa diet at lifestyle. Mas mabuting itaguyod ang pag-iwas sa mga sakit na ito at ang pagbabago sa kanilang diet at lifestyle,” sabi ni Dr. Bodadilla sa Filipino Times.
Sinabi pa ni Dr. Bodadilla na pinakamahusay na pagmomonitor sa iyong kalusugan ay ang taunang pagpapa-check up lalo na para sa mga OFW na malapit nang magsingkuwenta anyos at mas maagang pagpapatingin sa duktor ng mga OFW na merong history ng chronic ailments sa kanilang mga kamag-anak.
Kapag anya dumating na sa edad na 40 anyos ang isang tao, maipapayong magpa-annual check up siya. Pero kung meron siyang history ng chronic diseases tulad ng hypertension, diabetes, heart disease, at cancer sa pamilya, mas mainam na mas maagang gawin ang annual check up. Sa mga pasyenteng may chronic conditions na umiinom ng maintenance na gamot, maipapayong magpatingin sa duktor tuwing ikatlong buwan.
Ayon naman kay Dr. Alzacar Jadjuli na isa ring manggagamot sa Al Hana Modern Medical Center, karaniwang nakukuhang sakit ng mga OFW sa UAE ang high blood pressure (hypertension) at diabetes.
“Nagiging karaniwan sa ating mga kababayan ang hypertension at diabetes dahil sa kanilang lifestyle. Marami sa atin ang abala sa trabaho at kinakain na lang ang kahit anong nasa harapan nila na kadalasang nakakasama sa kalusugan. Mga contributory factor ang mga ito sa mga vascular diseases na ito na marami ang dinadapuan nito kahit maaari namang maiwasan. Sa panahon ngayon, maaaring mabaligtad ang mga sakit na ito sa pamamagitan ng pag-inom ng tamang gamot at tamang pagkain at ehersisyo,” paliwanag pa ni Dr. Jadjuli na 17 taon nang nagpapraktis sa panggagamot.
Umaasa si Dr. jadjuli na marami pang OFW ang regular na magpa-check up kahit dalawang beses sa isang taon. Hinihikayat niya ang mga OFW na iwasan ang self-medication at mas magtiwala sa mga medical expert kaysa sa mga sabi-sabi ata sa kanilang “Dr. Google” na tinutukoy niya ang search engine ng internet browser na Google.
“Maaaring nasasarapan tayo sa bawat bagay na ginagaw anatin at isinusubo natin ito sa ating bibig. Pero, sa bandang huli, pagbabayaran natin ito. Walang masamang kumain ng ilang matatamis o ng mga pagkaing maraming taba paminsan-minsan pero laging kumain at uminom nang katamtaman at huwag kalimutang magpatingin sa duktor nang regular at hindi sa Google,” sabi pa niya.
* * *
Email- [email protected]
- Latest