Procurement law dapat higpitan
Madaling mapalusutan ng ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan ang Revised Procurement Act o pagsasailalim sa subasta o bidding ng lahat ng dapat bilhin ng gobyerno. Iyan ang kadalasang nagiging ugat na korapsyon sa pamahalaan.
Kaya may katwiran si Presidente Duterte na alisin na lang ang bidding system dahil madalas ding nalalabag. Kasalasan din, kung may mananalong lowest bid, mabababa naman ang kalidad ng nabibiling produkto. Suma-total, talo rin ang pamahalaan. Mabuti na ‘yung kahit mahal ay mataas naman ang kalidad.
Sa lalawigan ng Quezon, isang dating mayor ng Unisan ang kinukuwestiyon sa ilegal na kontrata sa pagbili ng P110 milyong mga kuntador ng kuryente para sa Quezon 1 Electric Cooperative mula 2013 hanggang 2016. Napatunayan sa imbestigasyon ng Committee on Investigation and Appeals (CIA) na si dating Vice Mayor Danilo Suarez, Jr. na noon ay Director at Pangulo ng nasabing electric cooperative ay nagpalabas ng mga resolusyon na labag sa Republic Act 9184 (Revised Procurement Act).
Hanggang ngayon, walang resulta dahil ayaw magsalita ng dating Vice Mayor. Dalawang ulit pa raw nagpalabas ng kautusan ang naturang opisyal para palawigin ang kahina-hinalang kontrata sa ENEX Electric sa pagbili ng mga kuntador na Intech KWH meters na paglabag sa atas ng National Electrification Administration (NEA).
Kaya nga sa loob ng nabanggit na panahong umiral ang kontrata, umaabot sa halagang P110 milyon ang naibayad ng pamahalaan sa isang kuwestiyonableng kontrata na hindi dumaan sa public bidding. Isa lamang marahil ito sa maraming kaso ng paglabag sa procurement law sa buong pamahalaan. Pero tila wala tayong naririnig na napapatawan ng parusa.
Ano ang silbi ng batas kung wala namang napaparusahang nagkasala, bagkus ay nagtatamasa pa ang mga corrupt officials sa kanilang kinamal na salapi sa paraang illegal?
- Latest