Siyota rin pala (Last part)
ITINANGGI ni Tomas ang mga paratang sa kanya at ang depensang “sweatheart theory” ang ginamit. Sa madaling salita, siyota raw niya si Alma. Nakilala raw niya si Alma nang maging pasahero ito sa minamanehong trysikel. Sinabi raw ni Alma sa kanya na ang kapatid nitong babae ang nobya naman ng kapatid ni Tomas. Pagkatapos noon, naging madalas na pasahero ni Tomas si Alma hanggang sa minsan ay magbiro ang lalaki na naging regular na nitong suki ang dalaga. Sagot naman ni Alma: “Oo nga parang sinasadya ng pagkakataon”.
Pinagtapat naman daw ni Alma na may nobyo na siya kaya ang naging sagot lang ni Tomas: “Sayang balak pa naman kitang ligawan”. Dalawang linggo ang lumipas ay muling nagkita ang dalawa. Inumpisahan na ni Tomas ang panliligaw hanggang sa tanggapin siya na nobyo ni Alma. Nagkita ang dalawa sa footbridge pero mapilit ang babae na itago ang paghawak niya sa kamay nito para hindi mapansin ng ibang tao. Hindi nagtagal, may dumating na lalaki na may hawak na flashlight.
Pinagmumura nito ang dalawa. Noon namukhaan ni Tomas si Berto. May hawak na kutsilyo si Berto at inatake si Tomas. Pumagitna sa kanila si Alma pero hinatak palayo ni Berto hanggang magpagulong-gulong ang dalawa sa lupa. Nang tanungin ni Tomas si Berto kung bakit ginagawa iyon, ang tanging sagot nito ay “gago ka ba, siyota ko ‘yan”. Nagpambuno ang dalawa hanggang sa bumagsak ang kutsilyo sa lupa at aksidenteng nasaksak si Berto. Sa takot, tumalilis si Tomas gamit ang traysikel nito.
Pero hindi naniwala ang RTC sa kuwento ni Tomas. Halata raw na memoryado at planado lang ang palusot. Napatunayan ng RTC na nagkasala si Tomas ng robbery with rape with homicide at pinatawan ng parusa. Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol pero binago lang ng kaunti ang parusa.
Nang umapela si Tomas, binago ng Supreme Court ang desisyon ng RTC at CA. Pinawalang-sala si Tomas. Ayon sa SC, makikita sa mga ulat ang hindi pagkakatugma pati hindi kapani-paniwalang testimonya ni Alma. Sa salaysay ng babae, hinubad nito ang pantalon sa utos ni Tomas. Pero tumestigo siya sa paglilitis na si Tomas ang naghubad sa kanyang pantalon. Ang testimonya ni Alma na pinasok ni Tomas ang pagkalalaki nito sa ari ng babae ay hindi rin nakasulat sa police blotter o maging sa kanyang salaysay.
Ang paliwanag ng RTC ay lubhang nahihiya si Alma na aminin ang nangyari pero hindi ito suportado ng ebidensiya. Sa totoo lang, inamin pa nga ni Alma na pumunta siya sa presinto kasama ang kanyang nanay at mga kaibigan ng kapatid niyang lalaki samantalang si Berto naman ay isinugod sa ospital. Pati ang medical report ay kontra sa sinasabi ni Alma na nakuha siyang gahasain ni Tomas. Hindi rin napatunayan ng prosekusyon na pinagtangkaan nga nitong patayin si Berto dahil hindi naman seryoso ang tinamong sugat at nakalabas nga sa ospital sa loob lang ng dalawang araw.
Lumalabas na masyado lang pinalalaki ni Alma ang istorya sa pamamagitan ng pagdagdag ng ibang impormasyon sa tuwing kukunin ang kanyang salaysay o statement, mula sa police blotter hanggang sa kanyang cross-examination. Walang pag-aalinlangan na sinasadya niyang gumawa ng kuwento na iba sa totoong nangyari nang maganap ang insidente. Talagang may relasyon sina Tomas at Alma.
Ayon din sa mga rekord, nag-umpisa ang alitan nina Tomas at Berto nang makita ni Berto sina Tomas at Alma na magkasama. Sa testimonya ni Tomas na mas kapani-paniwala, si Berto ang unang umatake kay Tomas gamit ang kutsilyo. Sa takot ni Tomas ay nagpambuno ang dalawa para sa kutsilyo hanggang aksidenteng masaksak si Berto. Walang pagkakataon si Tomas na tumakas o ipagtanggol ang sarili. Ang kanyang pagkilos ay udyok ng madinding puwersa o sobrang takot. Kaya kahit sabihin pa na may krimen ay wala siyang pananagutan dito. Pinawalang-sala si Tomas sa mga paratang dahil sa hindi napatunayan na ginawa niya talaga ang krimen (People vs. Tamayo, G.R. 234943, January 19, 2021).
- Latest