Alitan sa tagapagmana
Matagal na nagsama ang mag-asawang Eddie at Gemma bago namatay ang lalaki na walang naiwang testamento. Ang naiwang tagapagmana niya ay ang misis na si Gemma, ang mga legal na anak na sina Carrie at Nora at ang anak sa labas na si Jun. Ang bastardong anak ang nagsampa sa korte ng petisyon para maayos na mahati ang naiwang ari-arian ni Eddie. Kinontra naman nina Gemma at Carrie ang petisyon. Bandang huli, si Carrie ang ginawang administrador. Si Nora ay pumunta na sa U.S. kaya wala siyang alam sa nangyayaring special proceedings.
Lumipas ang siyam na taon, si Gemma naman ang namatay. Mayroon siyang naiwang testamento at itinalaga ang pinagkakatiwalaang empleyado na itinuring niyang anak, si Fred, bilang administrador. Nagsampa ng petisyon si Fred sa korte para maaprubahan ang testamento at maibigay sa kanya ang karapatan. Nilabanan ni Nora ang petisyon at pinilit na siya dapat ang administrador.
Isang taon ang lumipas at inalis si Carrie sa pagiging administrador ng estate ni Eddie. Pinalitan siya ni Nora. Humingi ng rekonsiderasyon si Carrie sa korte pero imbes ay inalis din si Nora at si Fred ang pinalit na administrador. Hindi raw kasi uubra na maging administrador si Nora dahil American citizen ito at hindi residente sa Pilipinas. Sa pananaw ng korte, si Fred ang pinakamaiging kandidato dahil may hawak din siyang shares sa kompanya ni Eddie na isang broadcasting company. Pero sa mosyon ni Jun na ilehitimong anak, tinanggal si Fred at si Nora pa rin ang ginawang administrador. Sa palagay kasi ng korte, hindi nagawa ni Fred nang maayos ang trabahong ginawa ni Carrie. Parehas ang naging hatol ng RTC na may hawak sa petisyon sa estate ni Gemma. Kaya ang resulta, si Nora ang parehas na naging administrador sa naiwang estate ng mag-asawang Eddie at Gemma. Parehas ang naging hatol ng Court of Appeals. Tama ba ang RTC at CA?
TAMA. Ang isang “special administrator” ay isang espesyal na kinatawan ng namatay na itinalaga ng korte para pangalagaan at panatilihin ang naiwang ari-arian hanggang magkaroon ng “regular executor” o “administrator”. Tauhan siya ng korte at opisyal na may kontrol sa estate. Hindi siya kinatawan ng kahit sinong partido. Ang pagtatalaga ng special administrator ay babagsak sa korte at maliban na lang kung may katibayan na inabuso ang kapangyarihan o base sa rason, pagkakapantay-pantay, hustisya at prinsipyo, hindi makikialam ang korte. Hindi hadlang ang pagiging U.S. citizen ni Nora para maitalaga bilang administrador sa mga estate nina Eddie at Gemma. Ayon sa batas (Rule 78, Sec. 1), ang kailangan lang, tumira o residente siya sa Pilipinas at hindi Filipino citizenship. Sa kasong ito, nakatira naman si Nora sa Pilipinas matapos ng pagkamatay ni Gemma. Paminsan-minsan, bumabalik siya sa U.S. pero bumabalik din agad sa bansa. Kaya kahit ano pa ang kanyang citizenship, maayos niyang magagampanan ang kanyang tungkulin bilang espesyal na administrador (Gloria Vda. De Cea, Gozum vs. Pappas, G.R. 197147, February 3, 2021).
- Latest