Welcome to the club!
Twenty three years naging boxing world champion si Sen. Emmanuel D. Pacquiao. Nagsimula ito noong 1998 nang napanalunan ang una sa kanyang record 8-division championship run.
Lahat nang boksingerong nagwawagi sa kanilang dibisyon ay tinataguriang “champ”. Sa lahat ng champ, si Pacquiao na marahil ang pinakakarapat-dapat sa parangal. Dahil sa kanyang kakaibang rekord, walang tatawad na naaayon sa kanya ang karangalan.
Kung kaya nasasapawan ang tagumpay ng iba pa nating kababayan sa boxing. Mula pa nang manalo sa world stage si Pancho Villa noong 1923, ang Pilipinas ay hindi napapag-iwanan sa professional boxing. Sa talaan ng mga bansa na nakapagprodyus ng mga world boxing champion, ang Pilipinas ay nasa top 9. Subalit mahirap pangalanan ang iba pang kampeon lalo na noong aktibo pa si Senador Manny dahil sa sinag ng kanyang kasikatan.
Ang latest nating champ ay si Mark “Magnifico” Magsayo na nasungkit ang WBC featherweight crown mula kay Gary Russell, Jr. ng USA. Malinaw na tinalo ni Magsayo ang five years undefeated na si Russell. Ikinagagalak ng bansa ang pagdating sa eksena nitong pinakahuli nating pambato, pang 46 na yata nating world champion sa kasaysayan.
Ngayong retirado na si Senator Manny, mas mapapansin na ang iba pa nating mga kampeon. Ikalima si Magsayo sa active champions, kasama sina Jerwin Ancajas, John Riel Casimero, Rene Cuarto at Nonito Donaire. Hindi nila madaling sundan ang naging rekord ni Senator Manny. Walang makapagsasabi kung hanggang saan makakarating ang mga kababayan nating ito. Nandiyan na sila sa tugatog – ibig sabihin, taglay nila ang formula at kakayahan para manalo. Ang sikreto na lang ay kung paano mananatili at magtatagal sa top of the game kagaya ng ginawa ni Senator Manny.
- Latest