Promissory note
Upang mabayaran ang lupa’t bahay na binili nila, umutang ang mag-asawang Romy at Tessie sa isang financing company ng P100,000. Bilang katunayan ng utang, pumirma sila sa isang promissory note kung saan nangako silang babayaran ang utang na buwanang hulugang P1,378.83 sa loob ng 20 taon. Ang utang ay may interes na 12 percent bawat taon na maaaring itaas kung may batas na ipapasa na magtataas nito.
Makaraan ang apat na taon, pumalya na sila Romy at Tessie na magbayad ng ilang hulog. Upang mapanumbalik sa kasalukuyan ang kanilang utang, pumirma muli sila Romy at Tessie sa bagong promissory note kung saan ang utang nila pati interes ay P442,326.43 na. Ayon sa bagong promissory note, babayaran nila ang utang ng P2,176.68 bawat buwan sa loob ng 16 taon na may interes na 21 percent bawat taon, ayon sa bagong batas na umiiral (Central Bank Circular 705 and 712).
Isang taon lang ang nakalipas ay pumalya muli sina Tessie at Romy na magbayad ng hulugan. Kaya dinemanda na sila upang masingil ang utang at interes na 21 percent per annum.
Ayon kina Romy at Tessie, dapat daw na 12 percent per annum lang ang interes nila ayon sa unang pinirmahan nila. Ang ikalawang promissory note raw na pinirmahan nila’y galing lang sa unang promissory note, kaya’t ang mga kasunduan sa unang promissory note ang dapat ipatupad dahil iisa lang daw ang transaksyon at utang nila. Tama ba sila?
MALI. Ang unang promissory note ay nakansela na ng ikalawang promissory note. Ang dating utang at interes sa unang promissory note na hindi nabayaran ay isinama na sa pangalawang promissory note na may malaking halaga, mataas na interes at maikling panahon ng pagbabayad. Pumayag at pumirma sina Tessie at Romy sa bagong promissory note na ito at malinaw naman sa sinasaad sa pangalawang promissory note na kinakansela nito ang unang promissory note.
Kaya ang pangalawang promissory note na may mataas na interes na 21 percent per annum ang bagong kontrata ng mga partido. Ang 21 percent per annum naman ay ayon din sa batas na umiiral na noong pirmahan nila ito (Spouses Bautista vs. Pilar Development Corporation G.R. no. 135046 August 17, 1999).
- Latest