Ang Taon ng Pagbabago at Pamilya Talk
2022 na! Bagong taon na naman! Bagong pagkakataon para sa ating lahat para magsimulang muli.
Ang 2021 ang pinakamalungkot at pinakamabigat na taon para sa aming pamilya. Tinamaan kaming lahat ng COVID-19, na ikina-ospital pa ng aking mister na si Nonong at ikinamatay naman ng aking bayaw na si Kuya Kenn. Pero sa gitna ng trahedyang aming sinapit, mas tumibay ang aming pananampalataya sa Diyos, at ang aming tiwala sa aming mga kapamilya’t kaibigan na siya naming naging sandigan.
Kaya bagama’t ang bagong taon ay nababalutan pa rin ng pag-aalala, itinuturing ko rin itong bagong pagkakataon para magsilbi akong instrumento para mapagaan kahit paano ang mga hamong kinahaharap ng iba. Kasama sa aking ambag ang column na ito at ang aming online show na “Pamilya Talk” na aming ginagawa para makapagbahagi ng mga kwentong nagbibigay ng pag-asa at tatag ng loob sa ating mga KasamBuhays, at para patuloy na makapagbigay ng serbisyo-publiko.
Itinuturing ko ang 2021 bilang pivot year o taon ng pagbabago dahil ito rin ang taon na ako ay nagsimula ng bagong kabanata bilang isang kolumnista at producer. Kasama ang aking team, nagsimula kaming gumawa ng digital shows at online content na layuning mapatibay ang pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng paghahatid ng mga balita at impormasyong mahalaga sa pang-araw-araw na buhay, tulad ng mga isyung pangkalusugan at current events. Mula Lunes hanggang Miyerkules, ito’y ipinalalabas nang live sa KUMU sa Seen Zone channel ng ABS-CBN at sa aking Facebook at YouTube channel.
#PaTalkMoment 2021: Heart-warming Revelations with Tita Jing
Noong nakaraang taon, maraming mga nawalan ng trabaho o kaya’y nalugi ang negosyo dahil sa pandemya. Kaya kami ay nag-imbita ng mga eksperto sa aming programa para maibahagi nila ang kanilang kaalaman sa paghawak sa pera at pagnenegosyo, ilang tips kung paano kikita kahit na may pandemya, at mga kwentong mapagkukunan ng inspirasyon at positibong pananaw sa buhay. Ang ilan sa mga ito ay sina Chinkee Tan, Mon Abrea, at Jorge Noel Wieneke .
#PaTalkMoment 2021: Tips to Empower the Entrepreneur in You!
Pero kahit na tayo’y may mga pinagdaraanan, importante rin ang sense of humor para gumanda ang perspektibo at gumaan ang pakiramdam. Gusto naming isiping ang aming ginagawa sa “Pamilya Talk” ay sumasalamin sa mga katangian ng isang matatag na pamilyang Pilipino: nagmamahalan, positibo sa gitna ng mga hamon, at may matibay na pananampalataya sa Diyos at sa isa’t isa.
#PaTalkMoment 2021: Funniest Moments!
Ilan sa mga paborito kong episodes
Nagpapasalamat kami sa aming mga panauhin noong 2021 na nagbigay ng oras para ibahagi ang kanilang mga kuwento at karanasan.
Ngayong 2022, kasabay ng panalangin na nawa’y mas maging panatag at ligtas tayong lahat, ay ang pangako na gagawin ko at ng aming “Pamilya Talk”-team ang abot ng aming makakaya upang mas makatulong pa sa inyo, mga KasamBuhay.
Narito ang ilan sa aking paboritong 2021 “Pamilya Talk” episodes.
- Kwentong Harana at Buhay Eskwela! – Ang kuwento sa likod ng kantang “Harana” na pinasikat ng bandang Parokya ni Edgar. Nagka-instant-reunion sa aming show ang mismong sumulat ng kanta na akin ring kabarkada at ka-eskuwela na si Eric Yaptangco (kinakanta na namin ang “Harana” sa aming mga tambayan sa campus bago pa man ito sumikat), ang unang gumawa ng demo-recording nito na si Cholo Mallilin, ang Managing Director ng Banko Sentral ng Pilipinas at dating myembro ng Smokey Mountain na si Tony Lambino, at si Chito Miranda ng Parokya ni Edgar.
- Housemates Noon, Charity Duo na Ngayon at Let’s Learn and Play with Team Yey – Mga episode na nakakataba ng puso na tumatalakay sa halaga ng pagkakaroon ng bukas na loob at kung paano ito natututunan sa pamilya. Kasama ang dating PBB Housemates na sina Kobie Brown at Chico Alicaya, James Arellano, Jhanna Cuevas, Team Yey’s child actresses/influencers na sina Althea Guanzon at Nhikzy Calma, at Ogalala's COO Maye Yao Co-Say.
- Our COVID Journey: Coping when COVID hit our Home – Isang espesyal na episode kung saan ang aming panauhin ay ang aking asawang si Nonong at ang aming mga anak na sina Fiona at Fiana. Aming ikinuwento ang aming naging karanasan sa COVID-19 at kung ano ang aming natutunan dito. Amin ding inanyayahan ang child psychologist na si Dr. Rhea Lopa-Ramos na binigyang-diin ang halaga ng pagkakaroon ng post-traumatic growth o ang pagkakaroon ng mas positibong perspektibo matapos pagdaanan ang napakabigat at napakahirap na karanasan.
- Ang Ms. Universe ng Pamilya! – Sa Mother’s Day episode na ito ay aming naging bisita ang mga dating beauty queen na sina Gloria Diaz at Mafae Yunon -Belasco. Ibinahagi nila sa amin ang kanilang mga kwentong “beaucon,” beauty secrets, at payo para sa mga nais sumali sa beauty pageants.
- Pinoy Big Business: Reunion with Housemates! – Naganap ang isang mini-reunion kina dating PBB Housemates na sina Nene Tamayo at JB Magsaysay. Kanilang ikinuwento ang kanilang buhay pagkatapos ng PBB, buhay-pamilya at ang kanilang kasalukuyang mga negosyo. Nagbigay din sila ng payo sa mga nangangarap na sumali sa Pinoy Big Brother.
- Maymay Entrata | Kwentuhan with Tita Jing – Ang aking chikahan kasama ang aktres, TV host, at social media darling na si Maymay Entrata ay puno ng rebelasyon tungkol sa kanyang career at buhay-pamilya.
- Darren Espanto | Kwentuhan with Tita Jing – Life-goals naman ang sentro ng kuwentuhan kay Darren Espanto , ang isa sa mga pinakamagagaling na mang-aawit sa kanyang henerasyon.
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 6:00-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter, and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest