Department of Migrant Workers, ‘go, go’ na!
Finally, ganap nang batas ang panukalang magtayo ng Department of Migrant Worker. Matagal nang inaasam ito ng ating mga migranteng Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa. Pirmado na ito ni Presidente Duterte. Isa na marahil itong pinakaimportanteng batas na napagtibay ng presidente bago matapos ang kanyang termino.
Pinagtibay ito ng presidente noong nakaraang Disyembre 30 sa pagdiriwang ng Rizal Day. Isa ito sa mga campaign promises ni Digong at ni dating Speaker Alan Peter Cayetano nang sila ay tumakbo bilang presidente at bise presidente noong 2016.
Si Cayetano ang nanguna sa paghahain ng panukalang batas na ito sa Senado noong May 4, 2017 bago siya hiranging kalihim ng Department of Foreign Affairs.
Dapat naman talagang magkaroon ng isang ahensiya ng gobyerno na tututok sa mga problema ng mga OFW’s. Napakarami kasing mga ahensya ng gobyerno na ang gawain ay tumulong sa mga migranteng manggagawa. Tuloy, kapag nagkaproblema ay hindi malaman kung sino ang may responsibilidad. Kapag may sablay, nagtuturuan.
Bago mag-Pasko, inaprubahan ng Senado ang bill sa pangunguna ni Senator Joel Villanueva. Aprubado agad ito ng kamara noong araw mismo ng Pasko para maihabol sa pagtatapos ng taon 2021. Todo-todo ang pasasalamat ng dating speaker sa paglagda ni Digong para maging isang ganap ng batas ang DMW. Ayon kay Cayetano ito ay naghahatid ng panibagong pag-asa para sa mga overseas Filipinos na nagsakripisyo upang matustusan ang mga pamilya at palakasin ang ekonomiya ng bansa.
Makatitiyak na tayo ngayon na may single agency na mayroong sariling Kalihim na tututok sa paglutas sa problema ng ating mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa. Ito ay magbibigay-daan para magkaroon ng mas angkop na serbisyo at programa para sa OFWs. Magiging oportunidad din ito para sa mas mabisang pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng OFWs sa panahon ng krisis.
Sa OFWs at sa inyong mga pamilya, congratulations. Maraming salamat din sa mga government officials na naghahanap at gumagawa ng paraan para sa kapakanan ng taumbayan.
- Latest