Salain mabuti kung totoong Afghan refugees o terorista
Tatanggap umano ang Pilipinas ng refugees mula Afghanistan. Bulalas ‘yon ng Malacañang spokesman nu’ng Agosto. Hanggang ngayon nag-aalala ang ilang heneral. Maari raw kasi sumingit ang mga terorista sa hanay ng refugees. Kung nagkataon, maghahasik sila ng lagim sa lipunan natin. Mga sundalong Pilipino ang sasabak sa labanan para protektahan ang sibilyan. Sila ang mapapahamak sa kapabayaan ng iba.
Sana inalam muna ang isang isyu, anang mga heneral. Masasala ba ng National Intelligence Coordinating Agency at Bureau of Immigration ang teroristang infiltrators? Ang NICA ay sa ilalim ng National Security Adviser, na umamin nu’ng Enero na walang operations center ang bansa kontra cyber-attack ng China sa Pilipinas. Ang BI ay abala sa pagsuri ng mga papasok sa airports at pier. May makakapag-imbestiga ba kung ang “refugee” ay hindi sleeper terrorist ng Taliban, al-Qaeda o Islamic State?
Matuto at madala sa kamalian. Nu’ng dekada-’80 dinakila ang mga Pilipinong mujahideen na boluntaryong lumaban sa Soviet Union na lumupig sa Afghanistan. Isa sa kanila si Abdurajak Janjalani ng Basilan, na naging radikal sa labanan. Nu’ng 1991 tinatag ni Janjalani ang Abu Sayyaf Group para gayahin ang panatikong Taliban. Di naglaon, dumami ang kasapi, nangidnap, nang-torture at namugot ng mga Kristiyano at kapwa-Muslim. Ngayon, 30 taon ang nakalipas, sakit ng ulo pa rin ng Armed Forces ang ASG.
Nakagigimbal ang videos nu’ng Agosto ng mga desperadong Afghans na tumatakas sa banta ng Taliban. May mga lalaking kumakapit sa pakpak ng eroplano, mga ina na nag-aabot ng sanggol sa papaalis na helicopters, at mga dalagang pinupugutan. Tungkulin ninumang matinong bansa na tumulong sa paglunas ng humanitarian crisis pero iresponsable kung hindi sasalain ang sikretong mamamatay-tao.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest