^

PSN Opinyon

Kumander Nene matapos ang 'Pinoy Big Brother'

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Kumander Nene matapos ang 'Pinoy Big Brother'
Ang negosyanteng si Kumander Nene sa labas ng bahay ni Kuya.

Labing-anim na taon na ang nakararaan, nang gumawa ng kasaysayan sa telebisyon si Nene Tamayo sa kanyang pagkakapanalo sa pinakaunang edisyon ng Pinoy Big Brother. Sa edad na 24 noon, naiuwi ni “Kumander Nene” ang grand prize, kabilang na ang isang house and lot na nagkakahalaga ng 2 million pesos, isang livelihood showcase, isang Nissan Frontier Titanium, at 1 million pesos na cash.

Tulad ng maraming housemates na sumunod sa kanya, ang pagiging “The Big Winner” ang nagbukas ng pinto para kay Nene. Ang una niyang sabak sa telebisyon ay ang pagiging segment host ng Citizen Patrol sa loob ng anim na buwan. Ito ay ang mas lumang bersyon ng Bayan Mo, I-Patrol segment ng ABS-CBN news program na TV Patrol.

Ngunit ang totoo, hindi pinangarap ng ngayo’y 40-anyos na pasukin ang showbiz. Mula nang sumikat si Kumander Nene na ating nakilala at minahal, inamin ng mompreneur na isinilang sa Romblon na nag-audition siya para sa hit reality series sa pag-aakalang maaaring pondohan ng cash prize nito ang kanyang tunay na layunin:  Magsimula ng negosyo. 

Noong bata pa si Nene, naglalakad siya ng ilang milya papunta at pauwi sa paaralan, at nagtitinda ng suman at bayabas para lang makabili ng mga gamit para sa mga proyekto sa klase. Kaya naman nangarap siya ng mas magandang buhay para sa kanya at sa kanyang pamilya.

Pero matapos manalo sa PBB, kahit mayroon siyang determinasyon at hawak na premyong cash bilang kapital, hindi naging madali para kay Nene ang pagpasok sa pagnenegosyo. Sinubukan niya ang lahat, mula sa pagpapatakbo ng convenience store hanggang sa pagbubukas ng comedy restobar, bago naging matagumpay sa industriya ng pagkain.

Noong 2014, inilunsad ni Nene ang Nene Prime Foods. Ang kanyang pangunahing produkto, ang Spanish Style Bangus Sardines, na naging instant bestseller. Mula noon ay pinalawak niya ang kanyang linya ng produkto para maisama ang iba pang uri ng nakaboteng isda, kasama na rin ang iba pang sariwang pagkain na puwedeng pagpilian.

Pinalawak din ni Nene ang kanyang personal brand. Maliban sa paminsan-minsang mga guesting sa TV, aktibo si Nene online. Regular siyang nagpo-post sa kanyang page sa YouTube, Facebook at Twitter. Mayroon na rin siyang Lyka at Kumu account!

Kahit maraming taon na ang nagdaan, nagpapasalamat pa rin siya sa buhay na kanyang nararanasan ngayon. Ang PBB ay isang daan para magbigay katuparan sa kanyang pangarap. Ngayon, inaani nila ng mister na si Anthony ang lahat ng bunga ng kanilang pagsisikap, at ibinabahagi ang mga ito sa kanilang anak na si Antonio. Sa aming kuwentuhan sa Pamilya Talk episode, muling ibinalik ni Nene ang ilang mga alaala:

Ang kanyang mga pangarap…

“Yung unang-una ko talagang dream bago man ako mag-college ay gusto ko maging sundalo. Gusto ko magserbisyo sa bayan at gusto kong mamatay na may silbi yung buhay ko. Hindi ako nangarap na makakuha ng material things, ang gusto ko lang ay magkaroon ng silbi yung existence ko sa mundo. Kaso nga lang, noong nag-college na ako, nag-apply ako sa PMA, pero ayaw ni papa kasi babae ako. Sabi niya mamatay raw ako nang maaga. Sabi ko sa nanay ko, kapag mamamatay ako ng maaga, di maaga ang pensiyon mo. Eh di nagalit lalo si nanay ko. Tapos sabi ko, ‘Siguro, ayaw talaga ni God na magsundalo ako.’ In-accept ko na sa sarili ko na baka hindi talaga para sa akin ang pagsusundalo. Before po dumating si PBB, nag-decide ako na huwag muna ituloy ang pagsusundalo. Siguro kailangan munang mag-goal ako na before 30 years old, may savings na ako sa bangko, at merong bahay ako, kahit 1 bedroom unit lang habang tumutulong sa nanay at tatay at mga kapatid ko. Hindi na po ako nangarap ng sasakyan noong time na yun. I was working as a regular employee, kaya sabi ko masyado nang malaki yung pangangarap ng sasakyan kung kaya ko naman maglakad araw-araw sa Romblon. Kaya ko gusto magkaroon ng savings noon sa bank account kasi gusto ko na mag-start ng business kapag 30 year old na ako.”

“Dumating si Pinoy Big Brother when I was 23. Mga ilang months lang nun na nag-set ako ng goal para sa sarili ko. I turned 24 sa PBB house, ako rin po yung unang nag-celebrate ng birthday sa PBB house. Ayon, wala pang 1 year na nag-set ako ng goal, binigay na lahat ng goal ko na yun. Sabi ko, ‘Ang galing mo naman, Lord. Sobra-sobra naman yung binigay mo sakin. Nagwiwish lang ako ng 500k na savings sa bank account ko tapos binigyan mo ako ng 1M.’”

Ang 'mindset' ni Kumander Nene…

“Kaya ko pinapanindigan iyan kasi it reminds me to be always be the best version of myself. Noong pumasok ako sa Bahay ni Kuya, sabi ko, kung pumasok ako sa final 12, no expectations but I will do my best para manalo. Manalo man ako o matalo paglabas ng Bahay ni Kuya, walang pagsisisihan, walang panghihinayangan, so I will always set goals and objectives. Ngayon, paglabas ng bahay ni Kuya, pinangako po namin kay Kuya na we are better versions of ourselves and we will strive also to be better. Kaya nilabas ko po yang “Commander” kasi hindi lang po commander dahil sa army training. Commander na rin sa bahay, commander ng buhay ko. Lagi ko nang sinasabi sa anak ko na 14 years old, ‘You know what, we have the power to choose. The power is in our hands and in our mind. That’s why we have the power to always choose what is right and what is good for ourselves and for the people we love.’”

“Na-experience ko na kahit dalawang pisong asukal, wala kaming pambili. Sabi ko, pinanganak akong mahirap, hindi ko naman kasalanan yun, or kahit sino mang pinanganak na mahirap, hindi natin kasalanan yun. Pero, kapag mamatay tayong mahirap, kasalanan na natin yun kasi wala tayong ginawa. Yun yung naging mantra ko na I should do something to improve my life and my family’s life. Kaya noong nagkaroon ng chance sa PBB, ayoko talaga na mananalo ako dahil sa sympathy o awa. Noong nanalo ako, nilapitan ako ni Direk Lauren Dyogi. Sabi niya, ‘Alam mo Nene, first time na may nanalo sa isang reality show because you deserve it, hindi dahil naawa ang mga tao sa iyo. They look up to you.’”

Sa pagtatrabaho kasama ang asawa…

“Kami po, happy pa rin kasi magkasundo na po kami (ng aking mister na si Anthony) ever since. Nag-15th anniversary na rin kami (last September). Division of labor po kami. Ako kasi, mahilig magluto. Siya, mahilig magbenta so siya tagahanap ng clients namin. Hindi kami nagbabanggaan kasi may sarili po kaming toka. By nature, talagang introvert ako. Hindi ako mahilig mag-socialize. Mahilig akong magbenta, hindi lang talaga halata.”

CAPTION:  Ngayon, inaani na nina Nene at mister na si 
Anthony ang mga bunga ng kanilang pagsisikap.

Sa kanyang sikreto sa tagumpay…

“Yung aking bangus, galing po sa Dagupan. That’s the best bangus in the Philippines. Brackish water yung sa Bonuan sa Dagupan kaya masarap yung bangus doon. Kahit pamita’t asin lang, masarap na. Tsaka taga-doon po kasi si husband ko, kaya ko nadiscover yung bangus and olive oil.”

“One hundred percent nakatulong ang PBB kasi mas madali sa amin na yung reality talaga, mas madaling i-market yung product namin. Hindi namin kailangang gumastos nang sobra sobra sa marketing or pagpromote kasi kami na po yung mismong sarili naming endorser ng product namin. But also, tinatake advantage namin yun but we see to it also na talaga namang masarap yung product. Kaya yung business po namin ay Nene Prime Foods kasi to remind again to myself to serve good quality products to our clients.”

Payo niya sa mga kasalukuyang PBB contestants…

“Lagi kong sinasabi sa inyo to be yourself, but be the better version of yourself kasi this is a once in a lifetime opportunity. Galingan natin, pero yung kung ano talaga tayo. Maging authentic tayo sa ginagawa nati na video… I-enjoy niyo lang, tsaka kung maging housemate kayo, do your best and i-enjoy niyo yung pagiging housemate. Tsaka, huwag na huwag po ninyong isipin na mag-voluntary exit kung housemate na kayo dahil sa dinami-dami ng nag-audition, kayo ang swerte na nakasama sa final 12 housemates or more than 12. Tsaka, huwag kayong matatakot. Huwag kayong mag-isip na wala kayong kakilala sa ABS-CBN o wala kang idea. I gave it a try. At tignan mo, naging housemates kami ni Kuya. Go for it!”
 

--

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected]

NENE TAMAYO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with