Tips para lumakas
Lahat tayo ay gustong magkaroon ng lakas o energy para sa ating mga gawain. Heto ang mga tip:
1. Kumain ng almusal na may protina at carbohydrates. Ang carbohydrates ay mula sa tinapay, kanin, at gulay. Hindi ito sapat para mapalakas ka. Kailangan may protina din tulad ng gatas, tapa, bangus o scrambled eggs.
2. Kumain ng katamtamang tanghalian. Ang almusal ay napakahalaga. Pero pagdating sa tanghalian, huwag ding sosobra ang kakainin at baka antukin ka. Kung napadami ang kain, maglakad-lakad muna.
3. Mag-ehersisyo ng bahagya. Ang paglalakad ng mabilis ay magandang ehersisyo. Pampagising ito dahil gaganda ang daloy ng dugo sa iyong utak. Ugaliing mag-ehersisyo.
4. Paisa-isa lang ang trabaho. Mauubusan ka ng lakas at pasensiya. Planuhin ang araw mo.
5. Pumili ng positibong kaibigan. May mga taong maganda ang personalidad at nagbibigay sa atin ng energy. Umiwas sa mga taong depressed, galit sa mundo at mga problemado.
6. Subukang isara ang telebisyon at buksan ang libro. May mga pagkakataon na ang telebisyon ay nagpapatamad sa atin. Kung gustong maglibang, magbasa ng libro. Mas nagbibigay ng energy ang pagbabasa ng libro dahil gumagana ang ating imahinasyon.
7. Pakinggan ang iyong katawan. Napakahalagang payo po ito. May mga cycle ang ating katawan. May oras na malakas tayo at may oras na mahina tayo. Minsan ay masayahin tayo at minsan ay malungkot naman. Normal lang iyan. Kung pagod ka, magpahinga na. Huwag pilitin ang katawan.
8. Uminom ng multivitamins. Para sa nagdidiyeta o hindi kumpleto ang pagkain, makatutulong ang pag-inom ng vitamins. Minsan ay kulang tayo sa prutas at gulay. Mapupunuan ito ng multivitamins.
9. Ihinto ang paninigarilyo at pag-inom ng alak. Panandalian lang ang sarap na dinudulot ng paninigarilyo. Sa bandang huli ay talo ka pa rin dahil masisira ang iyong baga. Kapag nangyari ito, mahihirapan kang kumuha ng oxygen sa katawan. Ang alak naman ay nakababawas din ng energy. May hang-over ka pa.
10. Magsabi ng “Hindi”. Ang mga Pinoy ay nahihiyang tumanggi sa kaibigan. Dahil dito, madalas inaabuso. Mali po ito. Kapag busy, magsabi ng “Hindi na po kaya. Sorry po.”
- Latest