P4.1 bilyong provincial budget na nabitin, inapura
Kinailangan ang isang special session para maipasa ang matagal na nabinbing revised P4.1-bilyong budget ng Quezon Province para sa 2021. Idinaos ang session nung Sabado.
Ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang 2021 revised provincial annual budget kahit apat lamang ang dumalong miyembro. Kasama rito si Bokal Donaldo Suarez na anak ni Governor Danilo Suarez. Ipinatawag ang special session dahil ang walong Bokal ng Majority Bloc ay suspendido ng 60-araw noong Nov. 11, ng DILG. Ang kaso ay abuse of authority, oppression at grave misconduct.
Ipinasa rin ang provincial annual investment plan na nagkakahalaga ng P5,331,658,038 na siyang basehan sa panukalang annual budget para sa susunod na taon. Ayon sa namumuno sa majority bloc na si Bokal Isaias Ubana, sinunod lamang daw nila ang mga prosesong nakasaad sa batas upang siguruhin na ang salapi ng bayan ay nagagastos nang tama.
Ani Ubana, may nasilip sila na halos P300 milyon na hindi tugma sa orihinal na investment plan na dapat paglaanan ng pondo at hindi detalyado ang malaking bahagi ng proposed budget lump sum tulad ng nakasaad sa Budgetary Regulation. Sa executive message ng governor kaakibat ng panukalang budget, sinabi niya na “this budget seeks to provide response and recovery for COVID.”
Ngunit nakita ng majority bloc na halos lahat ng provincial hospital ay nabawasan pa ng halos 40% ang maintenance at operating expenses. Sa kabila nito, halos lahat ng hospital sa probinsiya at may karga naman na halos P49-milyong pondo para sa dagdag na casual, job order, sa ilalim ng governor’s office. Iyan ang rason ani Ubana, kaya hindi nila ipinasa ang budget proposal.
Dagdag ni Bokal Ubana, hindi man lang kumilos ang Office of the Governor para rebisahin ang na-disapproved na budget proposal kahit ito ay may sapat na oras, at sila pa sa majority bloc ang inaakusahang namumulitika. Sinabi ni Ubana na ang kanilang pagkakasuspende ay paraan ng gobernador upang hindi na nila tuluyang magampanan ang tungkulin na bantayan at siguraduhing nagagastos ng tama ang pera ng bayan.
- Latest