Makabagong palengke itatayo sa Tabuk City
Nangangarap ang pamahalaan ng Tabuk City sa Kalinga ng makabagong palengke na anyong mall. Ito ay sa kabila ng samu’t saring isyu sa pagsasapribado ng mga pampublikong pagmamay-ari ng pamahalaan.
Ang ganitong pangarap ay nagdudulot naman ng pangamba sa mga vendor sa Tabuk at maaring magbunga ng “economic displacement’’.
Lalo nang nadagdagan ang kanilang kaba nang dumagsa kamakailan sa siyudad ang building materials ng XRC mall developer. Ang mga materyales ay lulan ng mga trak na pag-aari ng pamahalaan ng Tabuk.
Umugong ang katanungan: Uumpisahan na ba ng XRC ang mall development sa Tabuk sa kabila ng mga hindi maipaliwanag na relocation ng mga vendor, kawalan ng building permit, pagbayad ng buwis, paglabag sa mga alituntunin nakasaad sa 30 taong kasunduan at iba pa?
Hindi dapat magpadalus-dalos sa ganitong mga proyekto na may malaking bahagi sa buhay ng mga mamamayan. Alalahanin na 30 taon ang lease agreement ng XRC at Tabuk.
Ibig bang sabihin, 30 taon ding magpapakasakit ang mamamayan ng Tabuk sa hindi naisaayos na kasunduan at proyekto?
At nakapagtataka na ngayon pang may pandemya isasagawa ang makabagong palengke o mall. Kung kailan pa dapat iwasan ang mga kulob o saradong gusali gaya ng mall dahil kalimitan, dito umiikot ang mga sakit gaya ng COVID-19.
Bakit hindi na lang pangaraping idebelop ang mga satellite markets sa mga barangay para maiwasan ang pagkumpul-kumpol ng mga tao?
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
• • • • • •
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest