^

PSN Opinyon

Tips ni Master Hanz Cua para maging masaya at mapayapa sa buhay

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Tips ni Master Hanz Cua para maging masaya at mapayapa sa buhay
Marami mang masasamang nangyari kamakailan, matatawag pa rin tayong “suwerte” dahil tayo’y buhay at narito pa sa mundo.
Cottonbro via Pexels

Maaga at mahaba kung magdiwang ng Pasko ang mga Pilipino—kung kaya’t karamihan ng mga OFW at pati na rin mga dayuhan, gustong gusto talaga dito magbakasyon tuwing Disyembre. Setyembre o Oktubre palang, dama na sa hangin ang lamig ng Kapaskuhan. Bagama’t hindi naging masyadong dama ang malamig na simoy na ito nitong mga huling taon dahil na rin sa global warming, iba pa rin ang tinatawag nating Paskong Pilipino.

Mukhang hindi pa makakabalik sa normal ang bansa ngayong taon, kung ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ang pag-uusapan. Paano ba naman eh mukhang palala pa nang palala ang pandemya sa bansa na nasa halos 2.5 milyong COVID-19 cases na at mahigit 37,000 na ang namamatay?

Nababalot tuloy ng lungkot ang marami kung iniisip pa lang ang paparating na Pasko. Ito’y lalo na sa mga hindi pa rin makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay o kaya naman ay nawalan ng mga kapamilya o kaibigan dahil sa COVID.

Gayunpaman, mga KasamBuhay, laging may rason para magkaroon ng masaya at mapayapang Pasko. Laging may biyaya, kahit gaano man kaliit iyon.  

Kung mga praktikal namang tips ang kailangan nyo para panatilihing positibo ang pananaw, nakausap ko sa ating “Pamilya Talk” episode, ang sikat na feng shui expert at tarot reader na si Master Hanz Cua para sa mga konting gabay. Ipagpatuloy ang pagbabasa para sa kanyang tried-and-tested tips nang makaakit ng good vibes at good luck nitong mga panahon ng lungkot at kagipitan. Malay ninyo, ito na pala ang sagot para maging masuwerte ang Pasko ninyo!

Maglinis-linis (general cleaning)

Si Marie Kondo man ang nagpauso sa mga millennials sa konsepto ng paglilinis, matagal nang ginagawa ito sa feng shui. Ayon sa pilosopiya, may mga good energy sa paligid na makakadaloy lamang kung malinis, maaliwalas, at naka-rekta sa magandang direksyon ang mga bagay-bagay sa ating tahanan.

Dagdag pa ni Master Hanz, “(Pag) maraming kalat, yung energy di mo di ka makakapag-focus. Make sure decluttered, maayos at malinis ang kwarto.”

Hanapin ang luck sectors at i-activate iyon

Ayon sa feng shui, may walong “luck sectors” sa ating paligid na tumutulong pangalagaan ang iba’t-ibang aspeto ng ating buhay. Nakaayon naman ang sectors na ito sa mga iba’t-ibang direksyon. Ito’y swerte pagdating sa: trabaho (hilaga), eskwela (northeast), kalusugan (hilagang-silangan), pera (timog-silangan), kasikatan (timog), pag-ibig at mga relasyon (timog-kanluran), mga anak (kanluran), at mga tagapayo (hilagang-kanluran).

Ayon kay Master Hanz, kailangan daw itong I-activate agad—“para ma-remind ka ng mga goal mo each day, each week, o each month. Para malaman mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat na gagawin at ginagawa sa buhay mo.”

Maging malusog

Marami sa atin ang siguradong nagiging pabaya sa pagkain nang tama ‘pag sumapit na ang Kapaskuhan. Sino ba naman ang tatanggi sa pagkain o konting inom, hindi ba? Pero giit ni Master Hanz, kung gaano tayo ka-disiplina sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, ganoon din daw dapat tayo ka-istrikto pagdating sa ating kalusugan. Isipin daw natin na parang mga “kalat” din ang mga stress natin sa katawan na dapat na ring walisin.

Kaya naman, sabi ni Master Hanz, tayo’y mag-exercise. “Kahit nasa bahay ka, makakatulong diyan ang pag-zu-zumba. Importante ang pagpapawis. Kung pwede na ulit lumabas, kahit sa mga neighborhood ninyo po, mag-mask ka lang po. Mag-walking walking, mag-jogging, mag-exercise, ito ay mag-e-enhance ng good feng shui of the self.”

“Ang isa ring tip ni Master Hanz Cua ay tamang pagkain,” dagdag pa ng feng shui expert. “Ibig sabihin, (dapat) may vegetables at prutas ka, may konting protina o konting carbohydrates—para mas maging fit at healthy ang ating pangangatawan. Kailangan ito physically (at) emotionally.”

Matulog nang maayos

Kasama sa pagiging malusog sa pangangatawan ang pagkakaroon ng sapat na tulog. Importante nga ito lalo na’t punung-puno ng stressors ang paligid.

Ang payo ko naman. Sikaping matulog nang maaga. Bukod sa pag-ayon nito sa natural na sistema ng ating katawan, mas nagiging produktibo tayo pag tayo’y maaga ring nagigising. Mas marami tayong nagagawang trabaho ‘pag mataas pa ang araw, at kasama na rin diyan ang ehersisyo na nakatutulong pa sa’ting pisikal na kalusugan! Mas nagkakaroon din tayo ng oras para sa ating sarili o pamilya na nakatutulong naman sa ating work-life balance at mental health!

Mag-offline rin paminsan-minsan

Bagama’t nakatutulong ang social media sa pagbigay sa ‘tin ng impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa paligid, aminin na din nating nagiging toxic ito. Kaya naman kung ramdam mong nakakasama na ito, payo ni Master Hanz, kumalas na muna. “Maraming mga negative rin sa social media, kaya iwasan mo ang pagko-comment ng mga negative at ang paghahanap ng negative.”

“Gamitin ang social media sa positive side,” dagdag niyang payo lalo na ngayong Pasko. “Give (your loved ones) a call. I-text mo sila para may socialization pa rin kayo.”

Magpasalamat

Marami mang masasamang nangyari kamakailan, matatawag pa rin tayong “suwerte” dahil tayo’y buhay at narito pa sa mundo. Maraming kuwento si Master Hanz tungkol dito—siya mismo, sinubok nang matindi nitong pandemya.

“Dapat, ang unang-una, appreciation and gratitude. Alam ninyo, sa panahon natin, ang daming walang trabaho. Si Master Hanz Cua ay isa sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng ABS-CBN, pero, hindi tayo nawalan ng pag-asa dahil meron naman tayong opportunity,” kuwento ng ngayo’y Kumu streamer na.

“Ang hirap ng walang trabaho. Kung may trabaho po kayo, be thankful, be happy. Huwag ka puro complain. Don’t find yung mga negative sa work mo. Ang importante, mahalin mo yung trabaho mo. Give your 100% sa ginagawa mo. Ibigay mo lahat. This will enhance good feng shui sa atin. Kaya yan, laban lang.”

--

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

FENG SHUI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with