Kaarawan: Noon at Zoom
Kaarawan ang pangtakda ng tao sa paglipas ng panahon – masayang okasyon. Pero nitong pandemic lockdown, sa Zoom na lang tayo nakakadalo ng birthday parties. Corny. Iba kung totoong salu-salo.
Isa sa mga unang ulat ng selebrasyon ng kaarawan ang kay Greek historian Herodotus. Nag-iihaw aniya ang mayayamang sinaunang Persians ng buong baka, kabayo, camel at donkey. Mas maliliit na pastulin kung mahirap. Walang tigil na kainan, lasingan at pahimagas. Bawal umutot, dumighay, dumuwal at tumugon sa tawag ng kalikasan sa harap ng mga bisita. Gumaya na rin ang Greeks sa tradisyon. Ang Romans noong una kaarawan lang ng lalaki ang ipinagdiriwang.
Ang kaarawan ng Pharaoh ng Egyptians ay kung kailan siya “muling isinilang” bilang diyos. Malaking piging din ito. Sinabi sa Genesis na, habang nagpapatunaw ng kinain sa piging ng Pharaoh dinakila niya ang kanyang hepeng panadero.
Nu’ng una bawal sa Kristiyanong magdiwang ng kaa-rawan: gawaing pagano umano. Kinalaunan nagtakda ng araw ng kapanganakan ni Hesus. At lahat may sariling selebrasyon na rin. Ang birthday ng mga pari, pastor at obispo ay ang araw ng kanilang ordinasyon.
Ang Germans nag-aalay ng honey cake sa kabilugan ng buwan. Sagisag ng liwanag ng buwan ang mga kandila. Naging birthday cake ito para sa mga bata. Hihipan ang kandila at hihiling ng lihim na nais. Kumalat ang ugali sa Europe, at nadala sa America at Asia.
Sa loobang China gumagawa ng tinapay na korteng isda. Pero sagana sa baboy, manok, kambing, tupa, baka – pati ahas at paniki.
Dahil sa naghalong tradisyong Asian at Western, apat na kaarawan ang mahalaga sa Pilipino: ika-1, -7, 18 sa babae, at -21 sa lalaki. Makalipas ang unang taon, para sa Chinese, matibay na ang bata. Edad-7 papasok na siya sa paaralan. Debut ng dumalaga ang 18th birthday (pero sa Latino ay 15th at sa Amerikano ay 16th). Sa ika-21 kaarawan hustong edad na ang lalaki para mag-asawa at magsimula ng pamilya.
- Latest