Dapat bayaran
(Last part)
Ito ang sagot kung tama ba ang POMI sa argumento na wala nang susuwelduhin si Jack dahil nagastos na ito ng kompanya sa ginawang pagpapabalik sa kanya sa Pilipinas.
Mali ang POMI. Ang sakit na nakuha bago pa man mag-umpisang magtrabaho ang taong sangkot ay hindi nakakabawas sa obligasyon ng kompanya na pagbayaran ito. Hindi kailangan na ang trabaho ang tanging dahilan kung bakit siya nagkasakit.
Kailangan lamang na nakadagdag ito kahit sa maliit na paraan upang lumala ang kanyang karamdaman. Isa ito sa mga isinasaad ng batas pabor sa mga manggagawa. Layunin ng batas na pantay-pantay at makatao kung hindi man pabor sa manggagawang Pilipino ang mga kontratang pinagkakasunduan ng magkabilang panig.
Sa kasong ito, malinaw na nakapagpasama kay Jack ang pagtatrabaho kahit pa oras ng pagkain at ang mismong mga pagkaing binibigay sa kanya na hindi angkop sa nakasanayan nating mga Pilipino.
Kahit pa sabihin nating nandaya si Jess dahil inilihim niya sa kompanya ang tungkol sa kanyang dating sakit, hindi pa rin mapapasintabi na nakapasa siya sa pagsusuri ng manggagamot at nakapagtrabaho nang maayos sa mahigit dalawang buwan.
Nagkamali nga si Jack dahil hindi niya ipinaalam sa kompanya na may dala siyang gamot na mahigpit nilang ipinagbabawal at laban sa kanilang patakaran. Nguni’t ito’y hindi dahilan upang tanggalin siya sa trabaho na hindi man lang dumaraan sa tamang proseso.
Dapat ay nagkaroon muna ng pormal na imbestigasyon at pagkatapos ay ipinaalam kay Jack ang tungkol sa nilabag niyang alintuntunin at ipaalam sa kanya ang desisyon ng kompanya.
Nararapat lamang na bayaran ng POMI ang natitirang suweldo ni Jack para sa 59 na araw na nagkakahalaga ng $2,735.15 o ang katumbas nito sa piso at ang halagang P5,000 na inabono ni Jack sa pagpapagamot (De Jesus vs. NLRC et.al. G.R. 151158, August 17, 2007).
- Latest