Babaero si mister
IMPORTANTE sa estado ang protektahan ang kasal. Isang institusyon ito na protektado ng gobyerno dahil ito ang pundasyon ng isang pamilya na siyang haligi ng ating nasyon ayon sa ating Saligang Batas. Pero sa ilalim ng Art. 36 ng Family Code, ang pagpapawalang-bisa ng kasal base sa deklarasyon ng korte ay pinapayagan kung dahil sa psychological incapacity ng isa sa mag-asawa at sa kalakhan ng ebidensiyang inihain. Ito ang pinapaliwanag sa kaso nina Dana at Romy.
Nagkita sina Dana at Romy noong 19-anyos pa lang ang binata. Dahil magkapitbahay, dating kakilala na ni Dana si Romy at matagal na niyang alam na iresponsable pati labas-pasok ang lalaki sa eskuwela. Napansin niya na hindi ito mahilig magsalita at mainipin pati na mainit ang ulo lalo kung lasing. Madali itong mainis at nahihirapan na makakuha ng matinong trabaho.
Maganda ang relasyon nila noong nanliligaw pa lang ang lalaki kaya nang magpakasal sila sa huwes ay umasa siya na magbabago ang lalaki matapos magpakasal. Pero hindi nagbago ang lalaki. Nagpatuloy ito sa pagiging baga- mundo na siyang dahilan kung bakit natatanggal lagi sa trabaho. Walang modo at basagulero ito. Madalas na nakikipag-away ang lalaki lalo kapag nakipag-inuman sa mga kabarkada.
Inaabuso rin ni Romy ang pobreng asawa. Madalas na sinasaktan nito ang misis at minsan ay naospital pa ang babae dahil sa tindi ng inabot na bugbog. Nakunan din ang babae dahil sa galit na inabot sa kanya. Walang natanggap ang misis kundi panay mura, pang-iinsulto at panlalait dahil tinatawag na “matanda”, “pangit” at “bruha”.
Apat na taon ang nakalipas sa kanilang kasal at umalis si Romy papuntang ibang bansa sa Asya kung saan nakipagrelasyon siya sa ibang babae. Nang mapaso ang kanyang trabaho roon ay naisipan na lang niyang makisama sa kanyang kalaguyo. Mula noon ay naghiwalay na sina Romy at Dana.
Kinunsulta ni Dana ang isang psychologist, si Dra. Minda Dela Rosa, tungkol sa opinyon nito sa pagpapawalang-bisa niya sa kanilang kasal base sa psychological incapacity ni Romy mula sa impormasyong nakalap sa kanya, sa mga kamag-anak ni Romy at sa mga kaibigan nila. Ayon sa doktora ay mayroong “Axis II Anti-Social Personality Disorder” ang lalaki. Ang senyales nito ay ang madalas na paglabag ng lalaki sa mga karapatan ng kanyang kapwa. Ang may sakit daw na tulad nito ay iresponsable, walang konsensiya, mainitin ang ulo, hindi maaasahan, agresibo at mas madalas ay gagawa ng krimen.
Wala silang kakayahan na mag-ingat, hindi susuportahan ang kapwa, hindi kayang gawin ang normal na trabaho pati hindi susunod sa normal na kilos ng tao ayon sa batas. Ayon pa kay Dra. Dela Rosa ay seryoso, grabe at hindi magagamot ang personality disorder ni Romy kaya base sa mga naunang desisyon ng korte ay hindi rin niya magagampanan ang mga tungkulin ng isang mister dahil sa kanyang psychological incapacity.
Kaya nagsampa ng petisyon sa RTC si Dana para mapawalang bisa ang kasal nila ni Romy. Hindi nag-abalang sumagot ang lalaki sa petisyon. Nag-umpisa ang kaso. Sa paglilitis ay tumestigo si Dra. Dela Rosa at ipinaliwanag ang ulat. Sumunod na tumestigo si Dana. Pagkatapos ng pagdinig ay pinagbigyan ng RTC ang petisyon at pinawalang-bisa ang kasal nila ni Romy.
Nang umapela ang OSG (Office of the Solicitor General) ay binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon. Base daw sa kalakhan ng ebidensiya ay hindi naman napatunayan na may psychological incapacity si Romy at walang kakayahan na gampanan ang tungkulin bilang asawa. Wala rin daw kamukhang desisyon ang hukuman ukol dito. Tama ba ang CA?
HINDI. Ayon sa Supreme Court, Ang psychological capacity ay ang kawalan ng mental na kakayahan ng isang tao na mabuhay, makisama at magbigay ng pag-ibig, katapatan at respeto sa isa’t isa. Ito ang kawalan ng kakayahan na gampanan ang tungkulin bilang isang asawa taliwas kung susunod lang sa obligasyon bilang asawa.
Sa kasong ito ay hindi binigyan ng halaga ng CA ang mga ulat at pag-aaral ni Dra. Dela Rosa. Pero hindi naman daw kondisyon na dapat personal na sinuri ng doktor ang taong may psychological incapacity. Ang kasal ay tungkol sa dalawang tao. Ang kalakhan ng kilos ng isang asawa habang sila ay nagsasama ay nakikita ng kanyang kabiyak. Kaya hindi importante sa kaso na hindi personal na sinuri ng doktor si Romy. Basta sapat ang ebidensiya na magpapatunay sa psychological incapacity.
Kung sakali na kulang ang ebidensiya ay saka pa lang magiging kailangan ang personal na pagsusuri sa taong may psychological incapacity. Kaya sa kasong ito, kahit pa hindi sumulpot si Romy ay uubra na ang ginawang testimonya ni Dana na kinumpirma ang ulat ni Dra. Dela Rosa sa psychological incapacity ng lalaki.
Sa paglusaw ng kasal base sa psychological incapacity ay hindi minemenos ng korte ang katatagan ng pundasyon ng pamilya. Imbes ay pinipigilan lang ang isang taong may psychological incapacity na walang kakayahan na gampanan ang kanyang tungkulin na matali dito. Sa dulo ay proteksyon ng pagiging sagrado ng pamilya ang layunin ng korte. Dahil NGA mula sa umpisa ay walang kasal na pinag-usapan (Santos-Gantan vs. Santos-Gantan, G.R. 225193, Oct. 14, 2020).
- Latest