Huwag susuko sa labanan
Nasa kainitan tayo ng isang kakaibang digmaan. Ito ay ang pakikipaglaban sa isang mapaminsalang virus na unti-unting pinahihina ang sangkatauhan. Ang mga pangunahing mandirigma natin ay ang mga medical frontliners. Kasama na riyan ang mga doktor, narses at iba pa na ang gawain ay pangalagaan ang ating kalusugan.
Nakakapagod ang giyerang ito. Pero sa kabila niyan, huwag sanang susuko at panghihinaan ng loob. Nasabi ko ito dahil sa balitang humihingi ng “time out” ang mga doktor dahil sa matinding pagkapagod na dinaranas. Tulad din ng baterya, kailangan nilang mag-recharge.
Pinakamahirap na papel ang ginagampanan ng mga medical frontliners. Sila ang nag-aasikaso sa libu-libong tinatamaan ng mapanganib na virus at pati sila ay madalas na nabibiktima ng sakit at ang iba ay namatay na. Ngunit ganyan talaga sa digmaan: May nagsasakripisyo ng sariling buhay para sa kaligtasan ng higit na nakararami.
Ang masaklap, marami sa mga frontliners ang hindi pa nakakatanggap ng wastong kabayaran sa kanilang pagsisikap bilang tanod ng mamamayan laban sa pandemic.
Kaya ngayon ay ikinukonsidera ng mga doktor ang paghingi ng “time out” sa kanilang gawain habang lumolobo pa rin ang bilang ng mga nagkakasakit. Pero ayon sa Philippine College of Physicians, ito’y pinag-iisipan pa nilang mabuti dahil ikinukonsidera rin nila ang magiging epekto nito sa health care system.
Sana, maisip ng mga doktor na ang pandemic ay hindi nagta-time out at ang hinihintay lang ay ang maglubay sa depensa ang mga mamamayan upang lalong tumindi ang pagkalat ng virus. Gayunman, hindi masisisi ang mga medical workers kung sila man ay mapagod. Kaya mahalaga na tiyakin ng pamahalaan na naibibigay sa kanila ang kinakailangang insentibo at benepisyo sa kabayanihang kanilang ginagawa.
- Latest