Proteksyon kontra polio, proteksyon kontra COVID-19
Nagulantang ang marami sa naunang balita tungkol sa pagkamatay ng isang 11 buwan na sanggol dahil sa COVID-19. Sino ba naman ang mag-aakalang makararating tayo sa puntong mga bata na ang napupuruhan ng pangkaraniwang sakit na ito? Mas nararamdaman nga ngayon ang Delta variant, isang bagong mutation ng coronavirus na mas mabilis malipat at manghawa. Ayon pa sa ulat ng The Atlantic, sa Estados Unidos, nasa 72,000 na ang naitalang COVID-19 cases na damay ang kabataan. 20% ito ng kabuuang kaso sa buong bansa.
Nakababahala nga ito sa mga kapwa ko magulang. Kaya naman, mas triplehin pa natin ang pag-iingat sa kalusugan ng ating mga mahal sa buhay. Bilang mga ilaw ng tahanan, obligasyon nating maging mapagmatiyag sa mga sakit na pwedeng magbanta sa buhay ng ating mga kapamilya at KasamBuhay.
Isa sa mga virus na naging salot mula pa noon ay ang polio. Maraming sintomas ang pwedeng idulot ng poliovirus, kasama na rito ang pagkaparalisa ng ilang bahagi ng katawan. Noong 2019, matapos ang halos dalawang dekada na polio-free ang bansa, pumutok ang isang outbreak na ikinawindang ng marami.
Tanong ngayon ng mga kapwa ko magulang: May polio pa rin ba sa paligid? Para bigyang sagot ang mga tanong na gaya nito, nakausap ko kamakailan sa aming “Pamilya Talk” episode, sina Dr. Kim Patrick Tejano, National Immunization program director ng Department of Health (DOH); Dr. Beverly Lorraine Ho, Director IV ng Health Promotion Bureau and Disease Prevention and Control Bureau ng DOH; at Ara Casas-Tumuran, community manager ng isang Facebook group ng mga pro-vaccine parents na kung tawagin ay Team Bakunanay.
Saan nga ba galing ang polio?
Matagal nang mayroong polio (poliomyelitis) sa mundo. May mga artifact ngang natagpuan sa Ehipto na tila naglalarawan ng mga sinaunang kaso ng polio. Kita sa mga inukit na ito ang mga taong mas maliit ang isang binti sa kabila o kaya naman ay mga batang nakatungkod na parang kailangan nila ng tulong sa paglalakad.
Ano ang mga sintomas ng polio?
Nakababahalang walang pinapakitang sintomas ang 72 sa loob ng 100 na kaso ng polio. Kuha ang ulat na ito sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC). Lagnat, sakit ng ulo, pamamaga ng lalamunan, kapagalan, pagsusuka, at sakit ng tiyan ang ilan sa mild symptoms nito.
Nawawala ang mga mild symptoms na ito sa loob ng dalawa hanggang limang araw. Kaya ang mas nakababahala ay ang mga delikadong sintomas ng polio, na maaaring makaapekto sa utak at gulugod na syang bumubuo ng nervous system. Ayon sa CDC, ito ay ang mga sumusunod: Paresthesia (pamimitig); Meningitis (impeksyon sa mga membrane na pumapalibot sa utak o sa gulugod, na nakikita sa isa sa 25 polio cases); at Paralysis (pagkaparalisa, na lumalabas naman sa isa sa 200 cases).
Sa mga binanggit, pinakamalubha ang pagkaparalisa na pwede pang magdulot ng habambuhay na pagkalumpo o kaya naman ay kamatayan. Ayon pa sa CDC, sa 100 taong napaparalisa sa polio, may 2 hanggang 10 ang namamatay. Napaparalisa rin daw kasi ang muscles na kailangan sa paghinga.
Kaya sabi nga ni Dr. Ho, ibayong pag-iingat ang kailangan para maiwasan ang mga kasong gaya nito. May mga kasong namamalagi raw ang polio sa katawan mula pagkabata hanggang pagtanda. Ito raw ay ang post-polio syndrome.
“Akala natin, normal na impeksyon lang. Ang problema, traydor ang polio virus. So, pupunta ito sa mga ugat sa nervous system na siyang (responsable) para makagalaw ang mga kamay (at paa) natin. May cases na wala kang impeksyon pero lalabas siya 15 to even 30 years after, so parang natutulog yung virus sa katawan. It can be mild na nag-wo-worsen. Irreversible ‘pag nasira yung ugat. Di na siya maaayos. Kaya prevention dapat tayo.”
Bakit mas mapanganib ang polio sa mga bata?
Nakukuha ang poliovirus sa dumi na siya namang pwedeng malipat sa bibig pag hindi maayos ang pagkakahugas ng kamay. Hindi pa nga ganoon ang kamalayan ng mga musmos sa konsepto ng proper hygiene, ayon sa guest specialists. Dahil dito, mas malapit sa panganib na dulot ng poliovirus ang mga batang may edad na lima pababa.
Paano mapoproteksyunan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa polio?
Simple lang, sabi ng DOH. Magpabakuna! May binibigay na dalawang klase ng bakuna kontra polio ang ahensya. May isang tinatawag na oral polio vaccine (OPV), na iniinom nang tatlong doses (1 1/2 buwan, 2 1/2 buwan, 3 1/2 buwan). Ang inactivated polio vaccine (IPV) naman ay ibinibigay nang dalawang dose (3 1/2 buwan, 9 buwan).
Pwedeng makuha ang mga bakunang ito nang libre sa health centers, ayon sa DOH.
Gaano kabisa ang polio vaccines?
Noong 1988, inilunsad ng World Health Organization ang Global Polio Eradication Initiative (GPEI), isang malakihang kampanyang naglalayong sugpuin ang polio. Matatandaang may mga 350,000 na kaso bawat taon ng polio noong mga panahong yun. Ito’y pinaghalong bilang mula sa 125 bansang may mga ulat ng impeksyon.
Malaking bahagi ng GPEI ang mas pinalawak at mas pinaigting na immunization program para sa mga bata. Kaya naman noong 2020, nasa higit 18 bilyon na raw ang nailigtas mula sa virus.
Paano nagka-polio sa Pilipinas noong 2019?
Ayon sa health authorities, naging sanhi ang low vaccination rates sa pagkalat ng polio noong nakalipas na dalawang taon. Kaya naman daw pinalakas lalo ng DOH ang kanilang immunization program. Hunyo nitong taon nga idineklara ng WHO at UNICEF Philippines na napuksa nang muli ang polio sa bansa.
Makatitiyak lamang tayong lubusang ligtas na ang bansa sa polio kung lahat ay bakunado, pagbibigay-diin ng DOH.
May iba pa bang aksyon ang gobyerno para masiguradong polio-free ang bansa?
Malaking bahagi nga ng public healthcare sector ang nakapokus ngayon sa COVID-19 vaccination. Gayunpaman, ayon kay Dr. Tejano, “Tuloy-tuloy ang pagbibigay ng (polio vaccines) sa health centers at private clinics. Kahit na may banta ng COVID, patuloy pa rin ang pagbibigay-serbisyo ng mga local health worker at frontliner sa mga bata.”
Magsisimula raw ang “catchup vaccination campaign” na ito pagkatapos ng quarantine, ayon naman kay Dr. Ho. Makikipagtulungan daw ang DOH sa private sector kasama na ang mga midwife, med student, at nursing student sa adhikaing ito. May mga libreng sakay din daw papuntang vaccination centers para mas mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.
“Kailangan all hands on deck tayo,” sabi ni Dr. Ho.
Pwede pa rin naman daw magpabakuna sa mga pribadong clinic, sabi ni Dr. Tejano. Wag din daw mag-alala kung nakakalagpas sa original na schedule. May bisa pa rin daw ang bakuna kahit lagpas na sa four-week interval sa schedule.
Ano ang kahalagahan ng pagbabakuna sa lipunan?
Kung may natutunan man tayo sa COVID-19 vaccination, ito’y kung paano nakatutulong ang pagbabakuna hindi lamang sa kapakanan ng isa, kundi sa pangkalahatan.
Naging susi nga ang pandemya para makita natin lalo kung ano ang kaugnayan ng kalusugan ng bayan sa ekonomiya ng bansa. Mas masaya, mas malusog, mas malago ang lipunan. Napatunayan nga ito ng GPEI na nakapagtala ng $27 bilyon sa health cost savings simula noong sinimulan ang proyekto noong 1988.
Bilang mga magulang, maaari rin tayong tumulong sa kampanya kontra polio sa ating mga munting paraan.
Sabi ni Tumuran, tayo makatutulong sa pamamagitan ng pagmumulat sa kapwa-magulang hinggil sa bisa ng bakuna.
“Lalo na’t laganap ang fake news or misinformation. Masakit sa mata at masakit sa loob na makabasa ng mga ganito.”
“Mommies, wag po tayong matakot sa polio vaccines at kahit ano pang vaccines para sa ‘ting mga anak. Mas matakot tayo sa sakit na maaari pong idulot sa ‘ting mga anak. Kahit nasa bahay, maaari pa rin silang magkasakit. Mapipigilan lang ‘to sa bakuna. Magtiwala tayo sa bisa ng bakuna.”
--
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.
- Latest