Tulungan at bayanihan kontra-COVID-19
Mahigit isa’t kalahating taon na nga ang lumipas simula nang makapagtala ang Pilipinas ng pinakauna nitong kaso ng COVID-19. Mahabang panahon na nga rin tayong nasa lockdown. Ngunit sa kabila nito, tila mas lumalala pa ang sitwasyon.
Nasa 1.76 milyong tao na nga ang mga nagkakasakit sa bansa, kasama na ang mga 30,462 na nasawi. Noong Agosto 15, nakapagtala tayo ng 14,749 na kaso sa araw lang na yun. Mula nang tumama ang pandemya, ito na ang pangalawang pinakamataas na bilang ng mga kasong naitala sa loob ng isang araw. Bukod sa pagtaas ng Delta cases kamakailan, may nadiskubre na nga ring Lambda variant sa bansa.
Habang tuluyan nating hinihingi sa gobyerno ang kanilang madaliang pagtugon sa pandemya, mabuti na lamang na nariyan naman ang mga bayaning frontliner na nagiging inspirasyon natin sa gitna ng kaguluhan.
Sa tinagal nating naka-quarantine, nakita nga natin na hindi lang nakadepende sa mga frontliner ang ating pag-usad sa krisis na ito.“It takes a village,” ika nga sa Ingles. O bayanihan. Imbes na nagbabangayan, talagang dapat sa isang komunidad ay nagtutulungan.
Kasama na sa “unsung heroes” sa krisis na ito ay ang logistics sector. Nangunguna naman sa sektor na ito ang kumpanyang PharmaServ Express. Inatasan sila ng Department of Health (DOH) bilang kanilang national cold-chain and logistics partner para sa COVID-19 vaccination program ng bansa.
Mula pa sa headquarters nila sa Marikina, ang PharmaServ ang responsable sa pag-iimbak nang wasto sa mga bakuna at paghahatid nito sa mga iba’t-ibang lugar sa Pilipinas. Nasa kanila ang paniniguro na ligtas ang mga bakunang ito para magamit ng bawat isa sa atin.
Nitong Hunyo lamang, pinuri pa ng isang team ng mga eksperto mula sa Israeli Ministry of Health ang PharmaServ Express. Naging saksi raw sila sa maayos na packaging at mabilis ng distribution method ng PharmaServ sa mga bakuna.
Oral pill para sa COVID-19?
Isang sektor din na nangunguna sa tahimik na pagtugon sa ating COVID-19 situation ay mga siyentipiko. Akala natin ay mahabang panahon ang kinakailangan upang makagawa ng bakuna. Pero heto sila’t nagpapakapagod nang husto para makagawa agad ng lunas.
Batay sa huling update ng The New York Times coronavirus vaccine tracker noong Agosto 12, walong bakuna na ang ginagamit ngayon. Ito ay ang mga sumusunod: Pfizer-BioNTech, Moderna, Johnson and Johnson/Janssen, AstraZeneca, Sputnik V, Sinovac, Novavax, at Covaxin.
Ayon pa sa report, may 99 namang bakuna ang nasa gitna na ng pag-aaral o clinical trials. Tatlumpu’t-tatlo rito ay nasa huling yugto na ng trial. Mahigit 75 namang pre-clinical vaccines ay ginagamit na sa mga hayop. Kung susumahin naman ang mga bakunang na-administer na sa buong mundo, nakapagtala na tayo ng 4,428,168,759.
O, di ba, magandang balita?
Sa gitna ng paggawa pa at pag-roll out ng mga bakuna, may mga siyentipiko ring nangunguna naman sa paggawa ng isa pang alternatibo. Ito ay ang mga oral antiviral, o mga gamot na pwedeng inumin para tumulong supilin ang severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2) sa katawan. Makatutulong nga ito sa mga bansang gaya ng Pilipinas, kung saan hirap ang mga pamilyang magpaospital at hirap din ang healthcare system.
Isa sa mga oral pills na mukhang may potensyal makatulong sa mga may mild o moderate na COVID ay ang Molnupiravir. Sa aming “Pamilya Talk” episode, nakausap ko ang mga medical professionals na nagpaliwanag kung ano nga ba ang bagong pill na ito.
Saan nagmula ang Molnupiravir?
Gawa ng Drug Innovations at Emory, LLC (DRIVE) ang Molnupiravir. Isa namang non-profit biotech company na pagmamay-ari ng Emory University sa Atlanta, Georgia ang DRIVE.
Ang Merck Sharp & Dohme (MSD) naman ang nakatutok sa patuloy na development ng Molnupiravir. Dinastiya na kung maituturing ang MSD, na nagmula pa sa Germany noong ika-17 na siglo. Isa na ito ngayong American brand na may headquarters sa Kenilworth, New Jersey.
Ayon sa MSD, ang Molnupiravir ay isang “investigational, orally administered form of a potent ribonucleoside analog that inhibits the replication of multiple RNA viruses including SARS-CoV-2, the causative agent of COVID-19.” Sa madaling salita, sa pamamagitan ng pag-inom, layuning pigilan ng gamot ang pagdami pa ng virus sa katawan.
Naka-ilang trials na ang Molnupiravir?
Nakatutulong ang clinical trials sa pagtiyak ng bisa ng isang bagong gamot. Nakikipagtulungan nga ang MSD sa Florida-based biotech company na Ridgeback Biotherapeutics para ipalaganap ang trials kung saan ginagamit ang Molnupiravir.
Nasa Phase 3 na nga ang trials na kung tawagin ay MOVe-OUT study. Mula sa positibong resulta ng Phase 2, kasalukuyan nang pinag-aaralan kung gaano kabisa ang Molnupiravir sa tao.
Sa eksperimentong ito, pinaiinom ang isang grupo ng volunteers ng Molnupiravir habang pinapalunok naman ang isa pang grupo ng placebo. Pinaiinom sila ng dalawang beses sa loob ng 24 oras. Ginagawa ang pag-aaral na ito sa mga unang limang araw ng kanilang pagkakasakit ng COVID.
Layunin ng MSD na makakuha ng 25 volunteers para sa trials. Napili naman ang Lung Center of the Philippines (LCP) sa pagpapalaganap nito sa bansa, at inumpisahan na ang trials noong Mayo. Kasama ang LCP sa mahigit 100 sites sa buong mundo na gumagawa na ng tests. Balak naman ng MOVe-PUT team na umabot sa 1,850 ang bilang ng volunteers.
Paano maging volunteer sa trials?
Hindi kung sinu-sino lang ang pwedeng lumahok sa mga maseselang test na ito. Dapat ay 18 taong gulang man lang sila. Dahil nga layunin ng gamot na tugunan ang may mild to moderate cases, inaanyayahan lamang sa mga trial ang mga taong nagkaroon ng COVID-19 sa nakalipas na limang araw. Kasama sa pamantayan ang pagkakaroon ng isa sa mga sintomas ng COVID-19 o kaya naman ay comorbidity.
Dapat din daw ay hindi pa sila nakakapagpagamot. Ito’y para maiwasan ang “drug-drug interaction,” na hindi makakatulong sa pagsukat ng bisa ng Molnupiravir.
Dagdag pa ng MSD - Philippines country medical lead Dr. Maan Galang-Escalona, “Ibig sabihin, yung epekto ng isang gamot ‘pag sinabay mo sya sa Molnupiravir, tulad ng Remdesivir o iba na nasa clinical practice guides natin, walang makikita na significant (effect).”
Ano nang mangyayari pagkatapos ng trials?
Tututukan pa rin ng LCP ang mga volunteer makalipas ang limang araw ng kanilang pag-inom ng Molnupiravir. Layunin namang makuha ng MSD ang huling datos ng kanilang pag-aaral sa ikalawang bahagi ng taon. Sakaling positibo ang bisa nito, magpapa-apruba pa ito ng Emergency Use Authorization sa Estados Unidos. Ang sunod na hakbang ay ang paggawa na nang maramihan para tugunan ang pangangailangan ng publiko.
“Narito tayo sa panahong mabilis mag-mutate ang mga virus na ito na nagkakaroon ng iba’t-ibang variant. So kailangan mas mabilis ang siyensya,” sabi ni Dr. Galang-Escalona.
"Ang scientists, ginagawa nila ang lahat. May mga na-de-deprioritize na mga bagay para lang mapagtuunan ng pansin kung ano ang makakapigil sa COVID. Ma-a-assure ko na nag-do-double time, triple time ang scientists sa pananaliksik nila upang magkapagbigay ng solusyon sa COVID. Hindi po nasasakripisyo ang quality.”
Dagdag naman ni Quezon City LGU BantAI COVID representative Dr. Loysa Orense, malayo talaga ang nararating ng pagkakaisa ng pampubliko at pampribadong sektor ngayong pandemya. Saksi siya rito, lalo na noong inilunsad ang BantAI COVID sa Quezon City noong nakaraang taon. Isang artificial intelligence-based system ang BantAI COVID na tumutulong sa contact tracing.
Hindi lamang daw online consultations ang nagawa ng BantAI COVID. Nakatulong din daw ito sa paghanap ng mga pwedeng volunteer sa MOVe-OUT study ng MSD.
May patutunguhan pa ba tayo?
Sa gitna ng sakuna, ang mga silently working na frontliner nga ang nagpapaalala sa atin na may pag-asa pa sa mundong ito. Ako mismo ay naging “frontliner” din sa sakit na psoriasis. Nakilahok ako bilang isang volunteer sa mga trial kung saan nakita kong nagsikap ang mga iba pang scientist at health worker, para lang makahanap ng lunas sa skin disease na ito.
Kaya naman saludo ako sa lahat ng mga frontliner mula noon hanggang ngayon. Kasama na rito ang mga kapwa volunteer na naglalayong tulungan hindi lang ang henerasyong ito—kundi pati na rin ang mga susunod pa.
Muli ko namang hinihimok na sa kung ano mang paraan, lahat tayo’y makiparte sa bayanihang ito. Hindi kailangang mag-volunteer sa mga trial. Magagawa natin ito sa pamamagitan lang ng pag-aalaga sa ating mga sarili. Sumunod sa health protocols. Hangga’t maaari, lumabas lang ng bahay kung kinakailangan. Maging mapagmatiyag sa ating kalusugan. Higit sa lahat, magpabakuna na!
--
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.
- Latest