Kontrobersiya sa DOH
Matindi ang sitwasyon sa mga ospital sa Metro Manila at ilang lalawigan. Sa paglilibot ng mga photojournalist ng Star Group of Publication, nakunan nila ang mga nag-uumapaw na mga pasyente sa mga ospital sa Metro Manila.
Sa mga kuhang larawan ni Russell Palma sa Biñan City, Laguna, naglagay na ng mga kama sa parking lots ng ospital upang ma-accommodate ang mga pasyente na tinamaan ng COVID-19. Maging sa loob ng mga sasakyan ay may mga naka-oxygen na rin na naghihintay na ma-admit sa naturang ospital. Malinaw na lumalaganap na ang COVID kaya dapat mag-ingat ang lahat.
Sa kuha naman ni Edd Gumban sa Sta. Ana Hospital, Manila, nag-uumapaw na rin ang mga pasyente na tinamaan ng COVID-19. Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno ang naturang ospital ay malapit na sa full capacity. Hinihikayat ni Isko ang Manilenyos na magpabakuna na, kaya 24/7 na ang bakunahan. Ang kailangan lamang ay sumunod sa naka-schedule na oras at araw upang maiwasan ang pagkumpul-kumpol at masira ang protocols.
Sa kuha ni Michael Varcas, ang emergency room ng Pasig General Hospital ay sikip na rin. Malinaw na marami ang tinatamaan ng COVID-19. Kaya ang panawagan ng lahat ng mga Local Government Units (LGUs) officials ay magpabakuna na ang lahat upang mapigilan ang pagkalat ng virus ng sa gayon ay manumbalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa.
Halos lahat ng mga Metro Manila mayors at pati si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos ay walang tigil sa pag-asiste sa mga vaccination sites upang masiguro na ang lahat ay mabigyan ng bakuna na lunas sa nakakamatay na virus ng COVID-19 at iba pang variant.
Samantala, habang abala ang LGU officials, muli na naman umuusbong ang kontrobersiya sa Department of Health (DOH). Nais ng Ombudsman na imbestigahan si DOH Sec. Franciso Duque III hinggil sa bilyong pondo ng ahensiya. Maging ang mga senador ay nagpahayag na dapat nang lisanin ni Duque ang DOH dahil mula nang umusbong ang pandemya hindi ito natinag sa kanyang puwesto.
Subalit matindi ang bertud ng DOH secretary. Ayon kay Duque tanging si President Duterte lamang ang makapagpapasya kung lilisanin na nga niya ang departamento. Abangan natin sa mga susunod na araw kung ang bertud na hawak ni Duque ay patuloy na mamamayani. At habang inaabangan ito, mabuting magpabakuna na ang lahat upang magkaroon ng proteksiyon sa COVID-19.
- Latest