Totoong kalagayan natin, nasa mga numero
Hindi nagbubulaan ang numero. Maaring kulayan ng pulitika ang opinyon, lalo na’t papalapit ang Halalan 2022. Para sa oposisyon dumilim ang kalagayan ng bansa sa ilalim ni President Rody Duterte. Para sa administrasyon lumiwanag ang buhay dahil sa kanya. Pero sa mga numero malilinang kung ano ang totoo.
Ang unemployment ay 8.7%, o 4.14 milyong manggagawa, ayon sa Philippine Statistics Authority nu’ng Abril 2021. Dahil dito, sa surveys ng Social Weather Stations nu’ng Hulyo, isa sa dalawang pamilya (49%) ang nagsabi na lumala ang buhay nila nitong nakaraang 12 buwan, isa sa dalawa rin (49%) ang nagkategoryang maralita sila, at isa sa anim (16.8%) ang nakaranas ng gutom sa nakaraang apat na linggo.
Epekto lahat ‘yan ng COVID-19 lockdowns. Muli maaring kulayan ang opinyon tungkol diyan. Maaring batikusin na malamya ang tugon ng administrasyon sa pandemya, kaya kinailangan ng pinakamahabang community isolation sa mundo. Maari rin ipagmalaki na kung hindi dahil sa lockdowns ay mas marami sana ang naimpekta, naospital at namatay. Pero nasa mga numero nga ang katotohanan.
Nasa 16.4 milyong COVID-19 bakuna ang naiturok nu’ng Hulyo 26, nu’ng mag-huling State of the Nation Address si Duterte. Nasa 5.56 milyong Pilipino, o 5.1% ng populasyon, ang kumpletong bakunado, ayon sa Department of Health. Mababa ito kaysa 6.4% sa Indonesia, na mahigit doble sa Pilipinas ang populasyon, anang World Health Organization.
Batay sa dalawang salansan ng numero inaanalisa kung kailan magsisimulang magnormal ang kabuhayan. Nasa gitna ang Pilipinas ng 10 bansang ASEAN batay sa 6% target ng pag-unlad, anang Asian Development Bank. At pinakamaaga, makakabangon ang Pilipinas sa katapusan pa ng 2022, anang international rating agencies.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest