Jueteng ni Boss M, bangungot sa ambisyon ni Danao!
Magsisilbing bangungot sa ambisyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Vicente Danao Jr., na maging PNP chief ang jueteng operation ni Boss M sa Camanava area. Lalo na’t lumalakas ang ugong na malaki ang papel na ginampanan ni alyas Madam X o Tita, ang bagwoman ng NCRPO, sa pagbukas ng jueteng ni Boss M.
Kung noong nagdaang panahon, shoo-in si Danao na papalit kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa darating na Nobyembre 13, sa ngayon biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Kumakalat kasi sa Camp Crame na may tatlong heneral pa na humahabol na tigbakin si Danao at baka ang jueteng ni Boss M ay gagamitin para sirain siya.
Ang masama n’yan, may kanya-kanyang padrino rin ang tatlo kaya hindi sila dapat balewalain ni Danao dahil ‘pag nagkataon may semplang siya, ‘di ba mga kosa? Dipugaaaaaa!
Ang lumalakas na ugong sa Camp Crame ang nadagdag na mga kandidato sa pagka-PNP chief ay sina Maj. Gen. Rhodel Sermonia, Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro at Brig. Gen. Val de Leon. Si Sermonia, ang hepe ng Directorate for Police Community Relations (DPCR) at ayon sa mga kosa ko, ang backer niya ay si Sen. Bong Go. Si De Leon naman ang RD ng PRO3 at bagyo ito kay Davao City Mayor Sara Duterte.
Kapag tumakbo sa pagka-presidente si Sara sa 2022, ang pangamba ay baka ipilit niya kay President Digong na ipalit si De Leon kay Eleazar. Puwede ‘di ba mga kosa?
Si Ferro naman ang hepe ng CIDG, at ang linya niya ay ang ginamit ni dating PNP chief ret. Gen. Debold Sinas. Siyempre, si Danao ang masasabi kong pinakamalapit kay President Digong subalit habang papalapit ang pagreretiro ni Eleazar, mukhang nag-iiba ang ihip ng hangin. Kasi nga marami ding nakapaligid kay President Digong na galit kay Danao at sinisiraan siya, anang mga kosa ko. Dipugaaaaaa!
Habang papalapit ang retirement ni Eleazar, sinisiguro ng mga kosa ko na magbabatuhan ng baho ang mga kandidato sa pagka-PNP chief at tiyak mauungkat ang jueteng ni Boss M sa Camanava para siraan si Danao. Get’s n’yo mga kosa?
Kung sabagay, hindi lang si Danao ang sisirain nitong jueteng ni Boss M kundi maging si Caloocan City Mayor Oca Malapitan at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, na malakas magkunwari na ayaw niya ng ilegal gambling. Dipugaaaaa! Abangan!
- Latest