^

PSN Opinyon

Psychological Incapacity

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

 (Last Part)

ANG konklusyon ng mga doctor, talagang walang kaka­yahan si Regina para gampanan ang mga tungkulin at obli­gasyon niya bilang asawa.

Sa kanyang pagkontra sa petisyon, tumestigo si Regina­ at itinanggi ang paratang ni Andy. Ayon sa kanya, wala na siyang kasinungalingan na ginawa maliban sa pagta­tago kay Andy na nagkaroon siya ng anak sa pagkadalaga. Wala raw basehan at narinig lang sa iba ang mga kasinu­ngalingan kaya base sa kabuuan ng ebidensiyang inihain ay wala siyang psychological incapacity ayon na rin sa pahayag ng isang doktor na tumestigo para sa kanya.

Matapos ang paglilitis, mas pinaboran ng korte ang ebi­densiyang inihain ni Andy. Ang hilig daw ni Regina na magsinungaling tungkol sa kanyang sarili, sa mga tao sa palibot niya, sa kanyang propesyon at kita pati ang kunwaring antas ng pinag-aralan saka mga nangyari sa kanyang paligid ay nagpapatunay na psychologically incapacitated siya at walang kakayahan na tuparin ang kanyang mga obligasyon bilang asawa.

Pinawalambisa ang kanilang kasal pero nauna rito, nagkaroon na rin ng pagpapawalambisa ang simbahan ng Maynila. Kumbaga ay kinatigan lang ng korte ang pagpa­pawalambisa ng simbahan at ng Roman Rota ng Vatican.

Inapela ang desisyon sa Court of Appeals. Binaliktad ng RTC at dineklara na kulang ang ebidensiya para sabihin na psychologically incapacitated si Regina. Kinu­westiyon ito ni Andy at ginamit na basehan ang mismong desisyon ng simbahang Katolika. Tama ba ang CA na baliktarin ang hatol?

MALI. Ayon sa Supreme Court, ang ebidensiya sa kaso ng pagpapawalambisa ng kasal ay iba-iba depende sa kaso at sa mga nakalap na detalye. Ang opinyon ng mga eks­perto ng Canon Law tungkol sa interpretasyon ng psycholo­gical incapacity ay dapat bigyan ng importansiya lalo at sa kanila nagmula ang konseptong ito.

Katunayan, ang Art. 36 ng Family Code ay inilabas na solusyon ng gobyerno para sa mga kasal na ipinawalambisa ng Simbahang Katolika pero itinuturing pa rin na legal sa ilalim ng ating batas.

Ito ang dahilan kung bakit ang mga interpretasyon ng Simbahang Katolika ay pinapahalagahan ng ating korte.  Idagdag pa, ayon sa SC, ang konklusyon ng mababang hukuman tungkol sa kredibilidad ng mga testigo ay dapat na igalang ng CA dahil sila ang nagkaroon ng pagkakataon na pag-aralan ang kilos at aktuwasyon ng mga testigo.

Sa kasong ito, napatunayan ni Andy ang psychological incapacity ni Regina. Bukod sa kanyang testimonya sa palaging pagsisinungaling ni Regina, dalawang eksperto pa sa larangan ng psychology ang tumestigo tungkol sa kakaibang pag-uugali at kilos ni Regina na sapat para ikunsidera na mayroon siyang taglay na psychological incapacity nang magpakasal.

Hindi niya kayang ihiwalay ang pantasya sa realidad kaya lalong malabong maintindihan niya ang responsibilidad na kaakibat ng ginawa niyang pagpapakasal. Nararapat lang na hindi bigyan ng halaga ang ginawa niyang panunumpa sa kasal. Ang kasal ay hindi lang pagbibigay ng legalidad sa kagustuhan ng dalawang tao na nagmamahalan para magsama na sa buhay (Antonio vs. Reyes, G.R. 155800, March 10, 2006).

REGINA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with