Dalawa pa ring mundo
Sa ibang parte ng mundo, nagbalik na ang buhay sa normalidad. Kung ano man ang nakasanayan bago pumutok ang pandemya, ganoon na rin sa ngayon ang kanilang pang-araw araw na katotohanan.
Una na ang Amerika. Sa mga metropolitan areas at mayayamang Estado, muling binuksan ang ekonomiya. Niluwagan na nang husto ang COVID-19 protocols. Hindi na obligado ang masking. Halos full capacity na ang negosyo, tanggapan, sports stadium.
Hindi matawaran ang pagbulusok ng kumpiyansa na hatid ng ganitong lakas ng loob. Ang mitsa? Ang malawakang pagbakuna sa mahigit kalahati ng populasyon. Bitbit ang made in America nilang mga vaccine brand na Pfizer at Moderna, bumabandera talaga ang mga Kano. Bumabagsak ng mabilisan ang kanilang mga numero.
Hindi maitatwa na world leader pa rin ang Amerika pagdating sa mga tinamaan ng virus at maging sa mga nangamatay. At, ano pa man ang sabihin, walang kasiguruhan na itong bagong mga variant ng COVID ay hindi magiging sanhi ng panibagong “wave” o “surge” ng mga impeksyon.
Subalit ang kaibahan nila ay kaya nilang harapin ang mga mapeligrong desisyon. Kung ang ibang mga bansa, kagaya natin, ay nangangatog pa at nagpapaalipin sa kaba, sila naman ay ipinagmamalaki sa mundo ang anyo ng buhay kapag hindi ka natatakot. Ang Israel din na, bagama’t hindi kasing laki ng Amerika, mas malaking porsiyento ng populasyon ang bakunado ay kakaunti na lamang kada linggo ang pumapanaw sa COVID-19. Puwede nang manood ng sine at manood ng sporting event sa stadiums. Subalit, dala ng peligro ng bagong variant, maingat pa rin sila sa pasok ng mga dayuhan.
Makikitang lalo sa litratong ito ang layo ng mayayaman doon sa mga mahihirap. Lahat ng nabanggit ko ay sa Europa, US at mayayamang bansa lang nangyayari. Dito sa atin, gaya ng ibang developing countries, ay matagal pa bago maranasan ang ganoong luho. Pinangatawanan talaga ng pandemya ang sitwasyon na, kung tutuusin, tayo ay nakatira pa rin sa dalawang mundo.
- Latest