^

PSN Opinyon

Ang kwento sa likod ng motto ni PNoy: 'To leave the world better than I found it’

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Jing Castaneda with Noynoy Aquino
Jing Castañeda at dating Pangulong Noynoy Aquino.

Taong 2010, itinalaga ako ng Kapamilya network na maging “embedded media” sa Noynoy Aquino-Mar Roxas tandem para sa presidential elections. Sa dinami-dami ng mga nagawa kong reports ukol dito para sa iba’t ibang news and current affairs shows, ang pinakapaborito ko ay ang aking ginawang documentary sa “The Correspondents” na pinamagatang “Ang Laban ni Noynoy.” Once in a lifetime experience ang makilala nang husto ang isa sa mga anak ng ating mga bagong bayani na sina Noynoy at Cory Aquino. Sino ba naman ang mag-aakalang susunod si Noynoy sa kanilang yapak sa pagiging lider ng bansa?

Hindi lamang sa political career ni Noynoy umikot ang dokyung iyon. Naging mas personal ang aking pagkilala sa pulitiko na animo’y isinakay kami sa time machine ng kanyang buhay.  

Bilang highlight ng aking dokyu, naisip ko noong pasagutan kay Pnoy ang mga tanong sa binili kong slam book.

“Ikaw talaga! Pang-high school ‘to, eh!” sambit ni Noynoy sa akin sabay tawa. Ngunit wala rin naman syang nagawa kundi sagutin ang mga pambatang katanungan sa slam book. Sa kanyang sulat-doktor, nalaman kong hobby niya ang pakikinig sa musika at practical shooting, favorite food nya ang chicharon at favorite movie genre naman nya ang war movies. Pagdating sa ambisyon, gusto raw nyang maging sundalo o kaya nama’y businessman.

Tila nakornihan na si Noynoy sa huli, kaya pinili na lang niya yung mga gusto niyang sagutin. Sa kanyang mga sinagot, namukod-tangi ang kanyang isinulat bilang kanyang “motto” o prinsipyo sa buhay: “To leave the world better than I found it.”

Ang slam book na sinagot ni PNoy sa kanyang sulat-kamay (2010)

Halaw ang quote sa sinabi ni Lord Robert Baden-Powell, isang sundalo mula sa Inglatera na siyang nagtayo ng Scout movement noong 1908. Sikat sa boy scouts at girls scouts ang naging linya niyang “Try and leave this world a little better than you found it, and when your turn comes to die, you can die happy in feeling that at any rate, you have not wasted your time but have done your best.”

Naging motto na nga ito ni Noynoy sa kanyang political journey. Bagama’t determinado sa kanyang misyong magkaroon ng ambag sa lipunan kahit sa maliit na paraan, may mga alinlangan pa rin siya. Kung iisipin kasi, anak siya ng mga bayani—ang mga tumayong simbolo ng “people power” na nagpalaya sa bansa mula sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Sakaling manalo, kakayanin ba raw niyang lutasin ang lahat ng mga problema sa bansa? Kakayanin ba raw niya ang pressure sa posisyon kasabay ng pressure na kaakibat ng pagiging Aquino? Sana raw.

Ngunit isa lang daw ang maipapangako ni Noynoy: Ang gawin ang lahat ng kanyang makakaya kung suwertehing manalo at mapiling tagapamuno ng mga Pilipino. Nakaukit na raw ang motto ni Baden-Powell sa kanyang puso’t-isipan. Hindi raw sya papayag na lisanin ang posisyon nang hindi sya nakakapagbigay-serbisyo nang lubusan. Bayan bago sarili! Namana nga raw ito ni Noynoy sa kanilang ama, batay sa aming interview sa kanyang Ate Ballsy.

Lumaki man sa mayamang angkan, napakasimple at low profile ni Pnoy. Sabi niya, gusto niyang huwag mag-atubili ang mga taong lumapit sa kanya, lalo na ang masa. Kaya nang siya’y manalo, sa halip na President Aquino o Pangulong Noynoy, pinili niyang tawagin na lang siyang “PNoy.” 

“It might bring me closer to the people who ultimately I have to be really in touch with, if I am to serve them effectively,” paliwanag niya sa akin.

Alamin kung ano ang love letter na nagpabago sa buhay ni Pnoy

Bilang isa sa mga journalists na nag-cover sa kanya at sa kanyang administrasyon, kailangan pa rin naming maging objective at mapanuri sa kanyang mga programa. Kailangan pa rin naming bantayan maging ang kanyang mga napiling pinuno sa iba’t ibang mga ahensiya. Bilang miyembro ng media, pagdating sa mga usaping panlipunan, kami’y nasa panig parati ng taumbayan.

Gayunpaman, kahit noong presidente na si Noynoy, hindi nawala sa kanya ang kabaitan at ang kanyang kababaang-loob. Naaalala ko pa noong minsang sa aming interview ay biglang nahulog ang aking notebook at kumalat sa sahig ang mga drawing ng mga anak ko na inipit nila sa loob. Tawang-tawa ang pangulo sa akin habang sabay naming pinulot isa-isa ang mga drawing.

Sa mga isyung panlipunan naman, napaka- passionate ni PNoy. Matalas ang memorya sa mga numero, petsa, datos, at kung ano-ano pa. Dahil na rin dito kaya siya laging handa sa mga diskusyon. Sa daldal nya sa pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay, dead batt lagi noon ang aking cellphone.

‘Pag kinukulit ko naman siya sa mga isyu at polisiya, sabay nya kong bibiruin na tantanan ko na raw sya at asikasuhin ko na raw ang tres marias ko.  Lagi niya akong sinasabihan noon na bigyan ko raw ng dekalidad na oras ang mga anak ko habang bata.  Mabilis lang daw kasi lumipas ang pagkabata. Naisip kong marahil, ito’y dahil ni hindi niya lubos na na-enjoy ang kanyang kabataan. 

Sa pagkakakulong ng kanyang ama noong martial law, at sa pagtataguyod ng kanyang ina ng kanilang pamilya nang nag-iisa, tila dumaan lang ang pagkabata kay Noynoy. Kwento nga niya sa “The Correspondents,” sa murang edad na 13, inihabilin na ng kanyang ama ang kanilang pamilya sa kanya sa pamamagitan ng isang emosyonal sulat.

“I readily answered to my dad’s admonition to take care of my mom and siblings. I was about to graduate grade school at that time, but I already viewed that as a serious commitment,” sani ni PNoy.

Sa edad na 50, naging padre pamilya naman si Noynoy ng sinilangang bayan. Siya ang kauna-unahang binatang pangulo sa bansa — mukhang umayon na rin ang estadong ito sa kabigatan ng kanyang mga responsibilidad bilang pangulo.

Ang papel ng pamilya ni PNoy sa kanyang buhay

Hindi perpekto si PNoy. Kagaya ng maraming public servants, di maiiwasang magkaroon ng mga pagkukulang sa kanyang pamumuno.

Gayunpaman, marahil marami rin sa kanyang mga nakatrabaho ang sasang-ayon sa akin dito: Si Noynoy ay isang disenteng tao. Isa siyang marangal na pinuno na naging tapat sa kanyang serbisyo sa bayan.  Indeed, he left the world better than he found it.  Kaya tama ang kanyang pamilya — sa kanyang paglisan, mission accomplished siya.  

Ilan lamang kami ng aking mister na si Nonong sa libo-libong nagpunta sa Ateneo Church of the Gesu para makiramay sa pamilya ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Bilang pagtatapos, nais kong pasalamatan ang pamilya ni PNoy. Sa kanyang mga naiwang kapatid na sina Ballsy, Pinky, Viel, at Kris, at sa kanilang mga asawa’t mga anak, salamat sa pagpapasensiya sa aking mga pangungulit tuwing may kailangan akong gawing mga report.  Salamat sa tiwala at sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong mas makilala ang inyong pamilya.  Isang biyaya at karangalan na makilala at makatrabaho si PNoy na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa atin ukol sa kahulugan ng pagiging tunay na Pilipino. Higit sa lahat, salamat, PNoy sa pagpapaalala na “The Filipino is worth fighting for.”

In our former president’s remembrance, I am posting a series online featuring PNoy’s family, friends, and the rest who have worked with him closely in his well-lived life. The five-part series—a personal project—is viewable on my Facebook (fb.com/TitaJingCastanaeda) and YouTube (youtube.com.JingCastaneda) accounts.

--

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

NOYNOY AQUINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with