CPP/NPA/NDF leadership marapat nang panagutin
Kung nagtataka kayo kung bakit sa kabila ng mga pananambang at pambobomba ng mga pasilidad ng mga NPA ay hindi sila pinapanagot ng batas, ito ay dahil isang rebeldeng grupo ang mga ito sa ilalim ng Communist Party of the Philippines/National Democratic Front.
Kapag ang karahasan ay bunsod ng kanilang ipinaglalaban, iyan ay bahagi ng kanilang pag-aaklas at hindi common crime. Pero opisyal nang ideneklara na ng pamahalaan ang CPP/NPA/NDF na terorista. Hindi na sila grupong may ipinaglalaban kundi naghahasik lang ng ligalig. Sa pag-aakala kasi ng mga komunista, ang ating bansa ay nasa state of war. Hindi na totoo iyan ngayong sila’y itinuturing nang teroristang grupo.
Kamakailan, malaking balita ang pagkamatay ng isang football player at isang kasama matapos sumabog ang land mine na kanilang dinaanan. Ni hindi man lang nag-sorry ang pamunuan ng mga rebeldeng NPA bagama’t inaming sa kanila ang naturang landmine.
Ang sabi ng National Task Force Ending Local Communist Conflict, dapat panagutin si CPP founding chairman Jose Ma. Sison sa pagkamatay nina Keith at Nolven Absalon. Hindi lang sa kasong iyan dapat panagutin ang buong liderato ng CPP/NPA/NDF kundi sa lahat ng mga kaso ng pagpatay at pananabotahe na isinasagawa ng mga rebeldeng komunista.
Ngayong sila’y itinuturing nang terorista, sila ay mga common criminals na dapat usigin at papanagutin sa ilalim ng mga umiiral na batas. Huwag sabihin ng mga komunista na sila’y nakikipagdigmaan sa pamahalaan dahil maski inosenteng sibilyan ay dinadamay nila. Matagal nang nawala sa kanila ang kategoryang rebelde dahil sila ngayon ay mga tulisan at mapanligalig.
Nangingikil sila sa mga malalaking negosyo na kung hindi maglalagay ay pasasabugin ang kanilang mga pasilidad. Tulisan sila at hindi rebelde.
- Latest