Poot ng mga Isnag sa itatayong dam
May namumuo ng poot sa dibdib ng mga katutubong Isnag sa Kabugao at Pudtol dahil sa napipintong pagtatayo ng P19.8 billion Abulog-Gened Dam ng Pan Pacific Renewable Power Philippine Corporation sa Apayao-Abulug River.
Kapag naitayo, sisirain nito ang isa sa mga natitirang key biodiversity areas sa lugar. Maaapektuhan nito ang tirahan ng 105 plant species, 51 bird species at 11 species ng amphibians at reptiles.
Noong nakaraang Abril 19 nagpatawag ang local government unit ng miting upang repasuhin ang draft ng memorandum of agreement (MOA), subalit nagulat ang mga Isnag sapagkat walang naganap na pagrepaso. Kinabukasan, nabulaga sila sapagkat pirmado na ang MOA. Mapang-api ang laman nito at peke ang mga pirma.
Noong 2016 kumuha ng free and prior informed consent ang Pan Pacific. Tumutol ang mga Isnag sapagkat babahain ang kanilang komunidad kapag itinayo ang dam. Lulubog ang Barangay Lt. Balag sa Pudtol at Barangays Waga, Bulo, Laco, Magabta, Poblacion, Badduat, Luttuacan, Nagbabalayan at Cabetayan sa Kabugao. Babaha rin sa Cagayan at sisirain ang biodiversity roon.
Noong Pebrero 2019, nagtipon ang mga Isnag sa Poblacion, Kabugao at pinresenta ang kanilang “resolution of non-consent”. Umapela ang Pan Pacific at dinala ang piling nakatatanda sa isang hotel sa Tuguegarao City noong Marso 19, 2019 na nagresulta ng resolusyong “Yes for negotiation only”.
Nagkaroon ng isa pang pag-uusap noong Enero 15, 2021 sa Poblacion, Kabugao na dinaluhan ng 300 nakatatanda at pinunong Isnag kung saan binawi ang “Yes for negotiation only” at tinutulan ang proyekto sa pamamagitan ng “A resolution strongly expressing our opposition and banning of the proposed 150 MW Gened 1 HEPP of Pan Pacific Renewable Power Philippine Corporation and withdrawing our Yes to negotiation only consent from continuing the FPIC process in whatever stage”.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest