Higit 5 milyong Pinoy bakunado na

MANILA, Philippines — Naitala na sa 5,120,023 ang kabuuang Pilipino na nabibigay ng COVID-19 vaccines sa iba’t ibang vaccination centers sa bansa, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. kahapon.
Sa naturang bilang, nasa 1,189,353 ang nakakumpleto na ikalawang dose ng bakuna o ‘fully-vaccinated’ na.
Kabilang dito ang 1.4 milyon o 93 porsyento ng health workers na nabakunahan, na ang 664,000 ay fully vaccinated na.
Sa mga senior citizens, nasa 1,368,836 o 13.8 porsyento ng 9 milyong seniors ang nabakunahan habang nasa 1.15 milyon o 22.7 porsyento ng mga Pilipino na may ‘comorbidities’ ang nabakunahan na rin.
Sa kabila nito, sinabi ni Galvez na kailangan pa ring maitaas sa 500,000 bakuna ang maisagawa kada araw sa Metro Manila, Metro Davao, Metro Cebu, at anim pang urban areas para maabot ang inaasam na ‘herd immunity’ sa pagsapit ng Nobyembre 27.
Ngunit ito ay magiging depende pa rin umano sa tuluy-tuloy na pagdating ng suplay ng bakuna. Tiwala si Galvez na mababakunahan na ang nasa 30 porsyento ng populasyon pagsapit ng Agosto o Setyembre.
Ang ‘best scenario’ na inaasahan ng pamahalaan ay mararating ang ‘herd containment’ sa Setyembre o Oktubre ngunit kung magkaroon ng problema sa suplay ng bakuna ay maaaring umabot ang target na petsa sa unang quarter ng 2022 pa.
- Latest