^

PSN Opinyon

Pagtanggap ng pamilya’t lipunan sa BL at GL online series

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com

Marahil may ilang beses nyo nang nasulyapang nanonood ang inyong anak ng mga sikat ngayong mga online serye na tinatawag na BL. Acronym ng “boy’s love” dahil sa bidang mga binatilyong nag-iibigan, isa itong genre ng pelikula at series na tila patok sa mga kabataan ngayon lalo na sa digital. Magugulat ka na lang na umaabot sa milyon ang views nito sa YouTube at iba pang streaming apps.

Hindi na bago sa akin ang BL. Ang tatlo kong mga anak na babae mismo ang humimok sa aking manood ng bagong uri ng palabas na ito. Una kong napanood ang Thai romcom na "My Dear Loser: Edge of 17" kasama sina Fiana, Fiona and Fae. 'Pag di ko sila nakakasamang manood dahil sa trabaho, nakakakuwentuhan ko naman sila tungkol sa mga iba pa nilang mga napapanood. Kasama na sa mga paborito nila ang Thai series na "2gether" at mga Pinoy BL na "Gameboys" at "Gaya Sa Pelikula." Hindi man ito gaya ng mga nakasanayan nating love story na tampok ang isang lalake at isang babae, kilig na kilig pa rin ang aking mga dalagita.

Ibang-iba na nga ang panahon ngayon, kung saan nagiging mas matalino pa ang mga kabataan kaysa sa kanilang mga magulang pagdating sa mga makabagong konsepto at impormasyon. Nung kabataan ko, naalala ko pa na mismong sina Mommy at Daddy ang magtatakip ng aming mata pag may mga kissing scene ng lalake at babae sa TV. Lagot kung mayroon man kaming masulyapang mga matitinding eksena na di pambata. Mainam naman na ginagabayan nila kami sa mga ganitong palabas habang lumalaki.

Nakatutuwang isipin na ngayon naman, may instant at ready access agad ang mga bagets sa kung anumang gusto nilang panoorin. Kumpara sa panahon noon na sama-sama kayo sa pamilyang manonood ng isang teleserye sa sala, kaya na ng mga bata ngayong mamili ng kung anumang gusto nilang content.  Mahaba o maiksi, gawa dito o gawa abroad, pati kung sinong direktor at aktor ang hinahanap ---  madali na nilang salain. Tulad na nga lang ng mga anak ko na nahihilig sa BL na tumatalakay sa mga hindi tradisyonal na kwentong pag-ibig.

Paano nga ba nagsimula ang BL?

San nga ba galing ang BL? Sa aming Pamilya Talk episode , nakausap ko ang ilang BL actors at pop culture experts na siyang nagpaliwanag ng kasaysayan nito. Nagsimula pala ang BL sa mga Japanese manga nung dekada sidenta. Pagkatapos mauso sa mga lalakeng comic book writers ang paggawa ng female characters, sumunod naman ang mga babaeng writers sa paglikha ng mga male characters na pinagpapantasyahan din mismo nila. Sa Japan, tinawag itong yaoi—o mga kwentong ginawa para sa mga babae pero bida ang mga lalake.

 

Kalaunan, pinasok na rin ng BL ang anime at pelikula. Sa mga nakaraang taon, lumawak pa ito sa Asya laloug-lalo na sa Thailand. Naging sobrang patok ang BL sa mga Thai.  Dahil sa kanila, nauso naman ito sa Pilipinas. Pumutok lalo ang BL sa atin last year habang nasa lockdown. Ang Thai series na 2gether nga, nagka-online meet and greet pa na dinaluhan ng maraming Pinoy fans. Sa sobrang sikat ng palabas na itong pinagbibidahan nina Bright Vachirawit at Win Metawin, ni-dub pa ito sa Tagalog ng ABS-CBN sa Kapamilya Channel.

Ngunit hindi lang sa panonood natapos ang paglaki ng fanbase ng BL sa bansa. Dahil nga sa kasikatan nito, na-inspire ang mga kapamilya nating filmmakers na gumawa ng proudly Pinoy BL. Kasama na rito ang Hello Stranger, Quaranthings, at pati na nga ang mga napanood ng mga anak kong Gameboys at Gaya Sa Pelikula. Nakatulong nang matindi ang BL sa mga career ng ngayo’y nagsisikatan nang sina JC Alcantara, Royce Cabrera, Kokoy de Santos, Elijah Canlas, Paolo Pangilinan, at Ian Pangilinan. Sa sobrang laki ng market sa BL, pati mga dating mainstream actors na sina Tony Labrusca, Alex Diaz, and Jerome Ponce, pumasok na rin dito at namayagpag lalo sa kanilang career.

Sa aming episode, nakausap ko mismo ang BL actors na sina Darwin Yu (My Extraordinary), Karl Zarate (Quaranthings), at Kristof Garcia (Kumusta, Bro?). Laking tulong nga daw ng BL sa kanilang natatamong kasikatan ngayon online.

Tema ng pag-ibig at pamilya

Hindi lang tungkol sa mga binatilyong puro pa-cute ang BL, paliwanang ng pop culture expert na si Louie Jon Sanchez, Ph.D. ng Ateneo de Manila University. Pinakatampok daw talaga sa BL ang kwentong pag-ibig nito kaya ito patok.

Naiiba naman daw ang Pinoy BL sa mga gawa abroad dahil sa ating mga nakatahing kwentong-pamilya. Dahil nga sa temang ito, ayon pa kay Sanchez, naiiba ang fanbase ng BL sa Pilipinas. Kumpara sa mga babae sa ibang bansa na tila nagpapantasya lamang sa mga napapanood nilang BL stars, mga Pinoy na miyembro ng LGBTQIA+ community naman ang mas nakaka-relate sa BL dito. Mas swak daw ang Pinoy flavor na ito sa mga kapamilyang tila nakikita ang kanilang mga sarili at karanasan sa mga pinapanood na BL—lalo na sa paksa ng pagtanggap ng pamilya at pagkamulat sa konserbatibong lipunan.

“Sa teleserye, important ang family. Pero pag tinignan mo ang mga Pinoy BL na lumabas, lagi silang may aspect ng family. Ibang-iba sya sa mga BL na napapanood natin sa Thailand o nababasa natin sa Japan,” sabi ni Sanchez.

2gether the series actors Vachirawit "Bright" Chiva-aree and Metawin "Win" Opas-iamkajorn

 

“Napakahalaga ng family sa coming of age o coming out of the closet. Napaka-important na andun ang pamilya kasi karaniwan sa mga nakikita natin sa BL ay mga pamilyang bukas ang isip.”

Isa sa nakadudulot ng mental health decline, trauma, at pagkamatay sa kabataan ang kanilang struggles tungkol sa kanilang sexual orientation. Bukod pa ito sa bullying, crimes, at iba pang issues at insecurities na karaniwan sa kanilang teenage years.

Sa Amerika nga, ayon sa National Survey on LGBTQ Youth Mental Health ng The Trevor Project, 42% sa 35,000 na kabataang 13-24 ang nag-isip umanong mag-suicide sa nakaraang 12 buwan. Mahigit kalahati dito ang nag-identify bilang trans o nonbinary (hindi lalake o babae).

Sa Pilipinas, kahit pa man sikat ang BL ngayon, hindi pa rin ganoon kadali ang buhay para sa LGBTQIA+ community. Mismong mga institusyon din kasi ang kontra o tahimik sa kanilang mga pinaglalaban.

Nung 2018, inulat sa Philippine Corporate SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity Expression) Diversity and Inclusiveness Index na hindi aabot sa 100 mga kumpanya sa ating bansa ang mayroong mga polisiya para proteksyunan ang mga LGBTQIA+ na empleyadong nakararanas ng diskrimasyon. Ang mismong SOGIE Bill o Anti-Discrimination Bill nga, naka-tengga pa rin sa Senado bago pa man ang pandemya.

Gayunpaman, hiling ng advocates na gaya rin ni Sanchez, sana umusbong pa ang mga gender-inclusive material gaya ng BL para tumulong sa laban.

“May kinalaman dyan yung paglawak ng platforms—where to talk about it, where to watch the stories,” dagdag pa niya.

"Quaranthings" starring Royce Cabrera (left) and Kyo Quijano (right)
Courtesy of Pancho Maniquis

 

Kung tutuusin, sabi pa ng isa pa naming guest na si Quaranthings director Pancho Maniquis, all about love and acceptance rin naman ang BL. Parehas din ang mensahe ng pinapasikat ding GL o “girl’s love,” kung saan bida ang mga babaeng nagmamahalan.

Sabi pa ni Maniquis, “More than creating stories, it’s about giving a voice to the (LGBTQIA+) community and giving proper representation. Finally, may spotlight na to be able to tell these stories. For so long and -- we all know this—in the media, queer roles or gay roles—lagi silang comic relief, pang-fun at kwela lang. Gusto nating mailihis ang pagiging caricature and stereotypes ng gay roles sa film industry and sa mga series.”

“Right now, the door has been opened for these queer stories. BL and GL—let’s take the door down and maybe eventually move on to telling trans stories, nonbinary stories – iba’t-iba! Palawakin pa natin,” dagdag ng direktor.

#LoveWins pa rin!

Habang patuloy ang paglaban ng mga kasamahan natin sa media sa pamamagitan ng paggawa ng marami pang BL, GL, at iba pang queer content, nasa kamay naman nating mga magulang ang responsibilidad na buksan pa lalo ang puso’t-isipan ng ating mga anak tungkol sa usaping #LoveWins. Hindi natin alam pero sila, o iba pang mga kapamilya o kaibigan na pala mismo, ang nagdurusa dahil sa takot ma-discriminate.

Kung tayo mismo’y nahihirapan sa pag-unawa, mungkahi nina Maniquis at Sanchez, marahil simulan muna natin mismo ito sa ating mga sarili. Tayo’y manood, magbasa, mag-aral, maging maalam at mapagmasid sa mga nangyayari sa paligid.

Pamilya Talk

 

“Nanggagaling tayo sa isang lipunang napaka-conservative at napaka-traditional. At mayroon tayong pag-iling sa ganitong uri ng tema,” sabi ni Sanchez.

“Mag-uumpisa dapat ang pagpapaliwanag sa sarili. Di mo maipapaliwanag sa mga bata kung ano yung bagay na di mo rin mismong naiintindihan. Ngayong nabubuksan ang iyong pananaw,  kailangan mo namang i-internalize yun. Only in being able to internalize that understanding, will you be able to explain to young, impressionable children about what they view.”

Sa pag-educate sa ating mga anak at sila naman sa atin, lumalaki at lumalawak din ang ating pagmamahal at pag-unawa sa kapwa. Hindi ba’t ang saya na mabuhay kung saan lahat tayo sa mundo ay nagmamahalan lamang?

“Tayong mga magulang, maging bukas din tayo sa mga anak nating nakakapanood ng ganito—na ito ay isang bagay na umiiral na di natin kailangang ikahiya. Wag nating ipakita na tayo’y nandidiri sa ganoong uri ng kwento (BL). Pwede nating ipaliwanag sa ating mga anak na mayroong mga ganito, at ito talaga ang realidad. Na nag-e-exist ang ganitong uri ng pag-ibig,” sabi pa ni Sanchez.

“Ang pagmamahal ay isang natural na bagay. At anuman ang kasarian, nag-iibigan, Fundamentally, it’s love,” kanyang pagtatapos.

--

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 6pm Monday & Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

LGBTQ

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with