Kaso ng nawalang asawa
(Part 1)
Kung ang isa sa mag-asawa ang biglang nawala sa loob ng apat na taon at may matibay na paniniwala ang kanyang kabiyak na talagang patay na ang mister o misis niya, puwede na kaya siyang magpakasal matapos magkaroon ng desisyon ang korte tungkol sa ipinagpapalagay na kamatayan ng nawalang asawa.
Paano ito mapapatunayan? Sapat na ba ang pagkawala ng asawa at ang hindi pakikipag-usap o pagpapakita ng kabiyak sa loob ng apat na taon? Ito ang mga isyung sasagutin sa kaso ngayon.
Ito ang kaso ni Lyn na isang magandang dalaga sa bayan at si Mark na isang estudyante sa kolehiyo sa siyudad sa isang malayong probinsiya. Nang makilala ni Mark si Lyn ay agad siyang umibig dito at matapos lang ang walong buwan pagkikilala ay nagpakasal na sila sa simbahan.
Pagkatapos ng kasal, pumisan sila sa bahay ng mga magulang ni Lyn at nagkaroon ng dalawang anak – sina Mandy at Cindy. Para suportahan ang kanyang pamilya ay nagtrabaho si Mark bilang security guard sa isang warehouse at nang tumagal ay lumipat siya sa isang siyudad sa Visayas para magkaroon ng mas malaking kita.
Lumipas ang apat na taon makaraan ang kasal ay nagpaalam si Lyn kay Mark para magtungo sa Maynila at bisitahin ang ilang kamag-anak doon gamit ang perang tinanggap mula sa pensiyon ng kanyang tatay. Laging nag-uusap ang mag-asawa sa cell phone. Bandang huli, nagbitiw sa trabaho si Mark at lumipat sa ibang siyudad at nagtrabaho sa korte.
Ipinaalam niya kay Lyn na pagbalik nito galing Maynila ay magsasama na sila sa siyudad kasama ng kanilang dalawang anak. Unti-unti ay nabawasan ang kanilang pag-uusap hanggang sa tuluyang matigil. Buong akala ni Mark ay naiwala lang ni Lyn ang cell phone nito. Pero nang magtanong si Mark sa mga kamag-anak ni Lyn ay may nagkuwento sa kanya na nakikisama na sa ibang lalaki si Lyn at hindi na babalik sa kanya dahil sa matinding kahihiyan.
Sa loob ng 10 taon, pinilit hanapin ni Mark ang asawa. Halos maubos na ang kanyang kakarampot na ipon sa paghahanap sa misis sa Visayas, Metro Manila at pati sa mga probinsiya sa Kanlurang Luzon. Walang humpay na tumatawag si Mark sa mga kaanak ni Lyn at pati sa bahay ng magulang nito para matunton kung nasaan ang kabiyak.
Nang walang mangyari sa kanyang paghahanap, naisipan ni Mark na magsampa ng petisyon sa korte para ituring na patay na si Lyn, mapawalang-bisa ang kanilang kasal at tuloy ay payagan na siya ay muling makapag-asawa.
Nang maisumite ang lahat ng dokumentong hinihingi ng batas tulad ng pagpapalathala sa diyaryo, isinampa na sa RTC ang petisyon. Walang kumontra kaya pinagbigyan ito ng RTC at itinuring na patay na si Lyn alinsunod sa Art. 41 ng Family Code. (Itutuloy)
- Latest