May matututuhan din tayo sa mga Tsino
NANG magsilikas sa Pilipinas ang maraming Tsino dahil sa kaguluhan sa China nung dekada 40, nagsimula sila sa maliliit na negosyo tulad ng pamimili at pagbebenta ng mga junk o basura na puwede pang pakinabangan.
Madalas silang nilalait ng ating mga ninuno at tinatawag na “Intsik beho tulo laway.” Pero ang mga panlalait ay hindi nakahadlang sa kanila para magsumigasig sa kanilang negosyo. Matipid sila at naging maayos ang pangangasiwa sa kanilang pananalapi.
Dahil sa kanilang talino, lumobo ang kanilang negosyo at mula sa pangangalakal ng basura ay nakapagtayo sila nang malalaking emperyong pangnegosyo. Ngayon, mga Pilipino na ang nangangalakal ng basura in an ironic twist of fate.
Tayo mismong mga Pilipino na nasa sarili nating bansa ang naging empleyado nila at wala nang sinumang puwedeng makapang-insulto sa kanila. Niyakap na rin nila ang pagkamamamayang Pilipino at nakapag-asawa ng mga Pilipino kaya karamihan sa atin ngayon ay may Chinese blood sa ating mga ugat.
Bagama’t may mga Pilipino ring nagtagumpay sa negosyo, nakararami pa rin ang mga tinatawag na Pilipino-Chinese tycoons na nagpapatakbo sa ekonomiya ng bansa.
Kinikilala natin ang malaking kontribusyon ng mga Pilipino-Chinese sa kaunlaran ng ekonomiya. Pero huwag sanang maging rason ito ng China sa ginagawa nilang pananaklaw sa ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea. At sana, lahat tayong mga Pilipino, kasama na ang mga Pilipino-Chinese ay manindigan sa pakikipaglaban sa ating soberenya sa pinagtatalutang karagatan.
- Latest