China abante sa armas sa buong Southeast Asia
Akot ang magkakapit-bansa sa paglobo ng militar ng China. Pero wala sila gaanong ginagawa, ani awtor William Bratton sa librong “China’s Rise, Asia’s Decline”. Kung merong karera sa pag-aarmas sa rehiyon, nanalo na aniya ang China bago pa man ang starting gun.
Nitong nakaraang 10 taon lumawak ang kapabilidad ng lahat ng sangay ng People’s Liberation Army. Pinaka-malaking infantry na ito sa mundo. Maraming bagong submarines, aircraft carriers, destroyers, bombers, at fighters ang PLA Navy at Air Force. Pati PLA Rocket Force ay umabante nang malaki sa bombang nukleyar.
Ang Indonesia, Malaysia at Pilipinas na inaagawan ng mga bahura ay 1% lang ng kani-kanilang ekonomiya ang ginasta sa depensa. Mataas nang konti ang palabang Vietnam. Halos 25% ng pangkalahatang gastos ng Southeast Asia sa armas ay sa munting Singapore.
Umaasa sila sa America sa proteksiyon, ani Bratton. Peligroso ‘yon. Maaring talikuran ng U.S. ang mga kaalyado niya kung magkaipitan.
Matatanda na rin ang mga malalakas na kagamitang pandigma ng America. Ang 400 Minuteman-III intercontinental ballistic missiles niya ay dekada-’70 pa ginawa. May Vietnam War pa noon, at unang episode pa lang ng “Star Trek” sa TV. Pinaka-moderno na ‘yun nu’n: ilang minuto lang matatawid ang Pacific Ocean. Ang rocket ay may tatlong warheads na makakadurog sa hiwa-hiwalay na targets, 10 bomba ang lakas sa Hiroshima. Ngayon edad 50 taon na sila, ulat ng “The Economist”.
Sa U.S. silos, submarines, at bombers may 1,457 pang nukes; lahat kalawangin na. Ang pinakamatandang bomber, ang B-52, ay 66 taon na; ang pinakabata, ang Stealth B-2, ay dinesenyo nung 1980, at ireretiro na sa susunod na dekada. Ang pinakamatandang submarine ay mag-40 kaarawan na sa Nobyembre. Magastos magpalit ng mga armas na ‘yan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest