Mga sakit ng babae at iba pa
1. Bukol sa suso – Lahat nang babae edad 20 pataas ay kailangang matuto na kumapa ng kanilang suso. Gawin ito buwan-buwan bago at pagkatapos magkaregla. Humarap sa salamin at tingnan ang suso. May pagkakaiba ba ang kanan at kaliwang suso? Habang nakatayo, salatin ang suso mula sa utong (nipple). Gamitin ang dulo ng dalawang daliri at kapain ng paikut-ikot ang suso. Mag-umpisa sa nipple at hanggang sa papalabas. Pagkatapos ay humiga naman sa kama at ulitin ang pagkapa ng suso. Bago matapos, kapain din ang kili-kili para maghanap ng kulani (lymph nodes). Kung may bukol kayong nasasalat, magpatingin sa inyong surgeon o OB-gynecologist.
2. Ulcer o pangangasim ng sikmura – Huwag magpapagutom. Kumain ng madalas sa isang araw pero kaunti lang. Small, frequent meals. Mag-almusal, meryenda, tanghalian, meryenda at hapunan. Ang pag-inom ng tubig ng pakonti-konti sa buong araw ay makababawas sa asido ng sikmura. Magbaon din ng saging o tinapay para hindi sumakit ang tiyan. Umiwas sa pagkaing nakaka-ulcer tulad ng sili, orange, pineapple, calamansi, lemon, suka, mga sitsirya at gatas. Oo, nakakangasim ng sikmura ang gatas. Mas maigi pa ang yogurt.
3. Nerbiyos o hyperventilation syndrome – Maraming babae ang inaatake ng nerbiyos. Sila’y nakararamdam ng hirap sa paghinga, pamamanhid ng kamay, paa at labi. Minsan ay nahihilo sila, at lumalakas ang pintig ng puso. Kung kayo ay nakararanas nito, huwag matakot dahil nerbiyos lang iyan. Ang problema rito ay ang pagbaba ng carbon dioxide sa katawan dahil sa sobrang bilis ng paghinga. Ang solusyon diyan ay ang paggamit ng “brown bag technique.” Kumuha ng isang maliit na bag na gawa sa papel. (Huwag ang plastic bag). Itakip sa bibig at ilong at dito huminga ng dahan-dahan. Gawin ito ng 15-30 minutes. Ang gusto natin mangyari ay malanghap mo ulit ang hangin (carbon dioxide) na iyong inilalabas. Sa ganitong paraan, mawawala ang iyong nararamdaman.
4. Masakit ang puson o menstrual cramps – Ang solusyon sa menstrual cramps ay ang pagpapahinga. Itulog mo ang sakit. Umiwas muna sa mga stress, trabaho at meetings. Maligo nang maligamgam na tubig para ma-relax ang iyong puson. Patungan ng medyo mainit na bote ang iyong puson. Sabi ng iba, ang sex daw ay nakatutulong din sa menstrual cramps. At kapag masakit talaga, uminon ng ibuprofen 200 mg 2 times a day pagkatapos kumain.
* * *
Bakit kumukulo ang tiyan kapag gutom?
Kapag maingay ang iyong tiyan, maraming kadahilanan ito. Una sa lahat, ang tunog na naririnig ay maaaring galing sa bituka o small intestines, at hindi sa tiyan. Ang masel ng bituka ay talagang humihilab at tumutunog. Ito’y para gumalaw ang likido at hangin sa loob ng ating tiyan.
Puwedeng kumulo ang tiyan kung gutom o kahit busog tayo. Normal na magkaroon ng tunog ang tiyan.
May mga pagkakataon na mas malakas ang tunog o pagkulo ng tiyan.
1. Kapag nagugutom tayo, humihilab ang sikmura at bituka para ilabas ang natitirang pagkain na kinain mo. Kapag nakakain ka na ay mas tatahimik ang iyong tiyan.
2. Kapag na-stress ka, puwedeng may paikot-ikot na sakit sa tiyan, kasama na ang paghilab ng bituka. Ito ang tinatawag sa Ingles na “butterflies in your stomach.”
3. Kapag nakakain ng panis o maruming tubig, puwedeng humilab ang tiyan bago magtae. Gastroenteritis o impeksyon na nakuha sa maduming pagkain ang dahilan nito. Uminom nang maraming likido (tubig, sopas o lugaw) at kumain ng saging.
4. Kapag may ulcer o hyperacidity, sumasakit sa itaas ng tiyan sa lugar ng sikmura. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag ika’y gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ka ng saging o tinapay. Uminom din nang maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
5. May iba pang dahilan ang pagkulo ng tiyan tulad ng bulate, bato sa apdo (gallbladder stone) at kanser. Kumunsulta sa doktor.
- Latest