Ituwid ang mali sa Bayanihan 1 and 2
Labor day ngayon (May 1) at kaugnay nito, magkakaroon ng virtual distribution ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya ang grupo ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano sa mahigit 200 benepisyaryo sa iba’t ibang panig ng bansa. Magaganap ito sa pamamagitan ng isang virtual activity na pangungunahan ni Cayetano na lalahukan ng Ormoc City, Camarines Sur, Batangas, Laguna, Cavite, Bulacan, Rizal at iba’t ibang lugar sa kalakhang Maynila.
Ito ay upang mabigyan ng bagong pag-asa ang mga kababayan nating biktima ng COVID habang hindi pa dinirinig ng Kamara ang P10K Ayuda Bill na isinampa ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado.
Inihirit ni Cayetano na sa babalangkasing Bayanihan 3, dapat ituwid ang mga mali sa naunang Bayanihan 1 and 2. Sa US at Israel, humuhupa na ang COVID-19 pandemic at mabilis ang pagbaba ng mga nagkakasakit at mga namamatay sa karamdaman. Sa ating bansa, wala pang masilip na liwanag.
Mistula raw nasa “grade level” lang ang ang ating pagtugon sa pandemic gayung nasa high school at college level na pag-aksyon ng ibang bansa sa pagbaka sa problema, ani Cayetano.
Kasi naman, makupad ang pagdating ng bakuna sa ating bansa at hilahod ang ating ekonomiya. Maraming kababayan natin ang nawalan ng trabaho. Naghain ng resolusyon si Cayetano at kanyang mga kaalyadong kongresista ng Back To Service (BTS) na naglalayong suriin at siyasatin kung paano ginastos ng gobyerno ang pondo para sa Bayanihan 1 and 2. Sa paraang ito, mas maisasaayos ang babalangkasing Bayanihan 3.
Dapat ding busisiin, ani Cayetano ang P4-bilyong pondo ng DepEd sa ilalim ng Bayanihan 2 na original na inilaan sa pagbili ng mga tablet at laptop para sa mga estudyante sa ilalim ng online learning. Aba, mahigit walong buwan ng naisabatas ang Bayanihan 2 ay wala pa ring ipinamimigay na tablet at laptop para sa mga estudyante! ‘No ba iyaaan!
- Latest