Mayabang si misis (Unang bahagi)
ANG kasong ito ay tungkol sa psychological incapacity na nakasaad sa batas (Art. 36 Family Code) na basehan para sa pagpapawalang-bisa ng kasal mula pa sa umpisa. Ayon sa sangkatutak na kaso sa Pilipinas, kailangan na: (1) seryoso ang kondisyon ng pag-iisip at aabot sa punto na hindi kayang gampanan ng isa ang mga ordinaryong tungkulin bilang isang asawa; (2) taglay na o naroon na ang kondisyon bago pa mag-asawa pero lumabas nga lang pagkatapos nilang magpakasal; at (3) hindi ito magagamot o hindi saklaw ng kabilang panig kung paano ito mabigyan ng solusyon. Ang mga ito ay ipinaliliwanag sa kaso nina Rudy at Letty.
Sina Rudy at Letty ay nagkita sa America noong nag-aaral pa sila sa kolehiyo. Nagkagustuhan sila at pagkatapos lang ng 15 buwan ng pagkakilala ay nagpasyang umuwi sa Pilipinas para magpakasal pagkatapos ng isang taon. Saka sila bumalik sa Amerika at nakitira sa mga magulang ni Rudy hanggang magkaroon sila ng anak na babae, si Lisa, na kaisa-isang anak nila. Ipinanganak ang bata pagkatapos ng dalawang taon nilang pagsasama.
Habang nakatira sa mga biyenan ay panay ang reklamo ni Letty na laging kulang ang pera at hindi man lang sila makabukod sa mga magulang ni Rudy. Inaaway niya lagi si Rudy na kumuha ng trabaho na mas malaki ang suweldo para mas umasenso sila at magkaroon ng engrandeng pamumuhay. Natutuwa lang siya kay Rudy kapag binibigyan siya ng mamahaling regalo o kaya ay kung lumalabas sila para kumain sa mga sosyal na restawran. Naisipan tuloy ni Rudy na pumasok sa negosyo para lang madagdagan ang kanyang kinikita.
Sampung taon silang tumira sa Amerika bago nagpasyang lumipat sa Korea kung saan nakatira ang mga magulang ni Letty. Doon din nila nilipat ang kanilang negosyo pero nalugi ito. Kamukha ng dati ay palagi pa rin na nag-aaway ang mag-asawa tungkol sa pera. Ang madalas nilang pag-aaway at ang pagtatalak ni Letty ang naging sanhi ng pagbaba ng kumpiyansa ni Rudy sa sarili. Tuloy nagkaroon pa siya ng erectile disorder na nagbunsod kay Letty para hamakin at akusahan ng pambababae. (Itutuloy)
- Latest