Biglaan na naman
Isang linggo ring naipit ang higanteng Ever Given cargo ship sa tanyag na Suez Canal, ang parang eskinitang daanan ng mga barko sa pagitan ng Africa at Asia. Dumaraan ang canal sa loob ng Egypt. Ito ang tumatayong koneksiyon sa pagitan ng Mediterranean Sea at Red Sea.
Itinatag ang canal sa pamamagitan ng dredging ng mga daanan na tumuhog sa malaking lawa sa Egypt. Ang kahabaan ng pinagtuhog na daanan, halos 193 na kilometro, ang magsilbing lusutan mula sa isang dagat patungo sa pangalawa na pinaghiwalay ng kontinente ng Africa.
Kung hindi dahil sa man-made na daanang ito, ang lalayaging biyahe sana ng mga barkong galing at papuntang Europa at Asya ay aabot ng 16,000 kilometro. Dahil sa Suez Canal, umikli ito ng 10,000 kilometro.
Halos 13% ng pangmundong shipping ang dumaraan sa Suez Canal. Kung 90% ng mga international goods ay tangay ng mga barko, maiintindihan natin kung gaano ka-kritikal ang Suez Canal.
Kung kaya nang masadsad ang Ever Given, isa sa pinakamalaking barko sa buong mundo na ang haba ay labis pa sa lapad ng Canal, talagang huminto ang agos ng kalakal. Kung ihambing sa katawan ng tao, parang biglang nabara ang mga ugat patungo sa puso. Hambing sa lokal na karanasan, para bang noong magkaroon ng port congestion sa 2014 dahil sa truck ban at napuno ang port of manila. Tulad ng nangyari noon, sa Suez ay nagkaroon din ng pila sa magkabilang bunganga ng Canal ng mga barkong naghihintay na makadaan.
Ang nangyari sa Ever Given ay bagay na kailanman hindi nangyari sa Suez Canal. Tanda ito ng bagong normal sa ating karanasan. Katulad ng pandemya na hindi natin inasahan, marami pang mangyayaring ganitong biglaang hamon na mag-iiwan nang mahalaga at medyo mahal na aral.
Hindi na sapat na magplano para sa alam nating darating. Maski ang hindi inaasahan ay kailangang makapag-isip-isip tayo kung paano maging mas handa at alerto.
- Latest