Ayaw makipagtalik sa misis
PAGKATAPOS ng isang tahimik na kasal na sinundan ng engrandeng handaan ay natulog sina Paolo at Minda sa bahay ng nanay ng lalaki. Magkasama sila sa iisang kuwarto at nakahiga sa iisang kama pero walang nangyari sa kanila sa unang gabi ng kanilang pagiging mag-asawa. Imbes na magtalik tulad ng inaasahan ni Minda ay basta natulog si Paolo. Tinalikuran pa nga siya nito. Ganoon din ang nangyari sa sumunod na pangalawa, pangatlo at pang-apat na gabi ng kanilang pagsisiping.
Sinubukan naman ng mag-asawa na magbakasyon sa isang pribado at romantikong siyudad para sa kanilang honeymoon sa unang linggo ng kanilang pagsasama. Ang siste ay isinama ni Paolo ang nanay at pamangking lalaki. Sinabihan pa niya si Minda na isama rin ang ina at tiyuhin nito. Apat na araw sila sa siyudad pero wala pa ring pagtatalik na naganap. Sadyang iniiwasan ni Paolo si Minda. Kapag siesta ay naglalakad ang lalaki sa labas at sa gabi naman ay natutulog sa tumba-tumba sa salas.
Sa sumunod na 10 buwan ng kanilang pagsasama ay walang nangyaring pagtatalik sa mag-asawa. Natutulog si Paolo at Minda sa iisang kuwarto at nakahiga sa iisang kama pero kahit minsan ay hindi sila nagtalik. Sa katunayan pa nga, ay hindi man lang nakita ni Minda ang pag-aari ni Paolo. Kahit minsan din ay hindi tiningnan ni Paolo ang katawan ng babae.
Sa inis ni Minda, hiniwalayan niya si Paolo at nagsampa ng petisyon para ideklarang walang bisa ang kanilang kasal dahil sa psychological incapacity ng mister at base na rin sa kawalan nito ng kakayahan na gawin ang tungkulin bilang asawa. Pinaratangan pa ni Minda na baog at isang bakla o closet homosexual ang asawa. Ayaw man lang daw kasing ipakita sa kanya ni Paolo ang buong katawan at minsan ay nahuli pa niya na ginagamit nito ang eyebrow pencil at kolorete ng ina.
Inamin ni Paolo sa kanyang sagot sa petisyon na mula nang sila ay ikasal at sa loob ng siyam na buwan hanggang sa kanilang paghihiwalay ay walang nangyari sa kanila ng misis. Pero hindi raw sapat ito para ipawalambisa ang kanilang kasal dahil 1) mahal niya si Minda, 2) walang anumang depekto ang kanyang ari/pagkalalaki at kaya naman talaga niyang makipagtalik, 3) masyado pa naman mura ang kanilang relasyon kaya’t anuman ang kanilang hindi pagkakaintindihan ay maaari pang magamot.
Pagkatapos ng paglilitis, pinawalambisa ng korte ang kasal nina Paolo at Minda base sa psychological incapacity. Nang umapela sa Court of Appeals ay pareho rin ang naging desisyon hanggang sa Supreme Court kahit pa pinagpipilitan ni Paolo na hindi psychological incapacity ang dahilan kung bakit hindi siya nakikipagtalik sa asawa.
Ayon sa Supreme Court si Paolo mismo ang umamin na kahit minsan ay hindi sila nagsiping ni Minda sa loob ng halos 10 buwan ng pagsasama. Ang pagtanggi sa pagtatalik o ang pag-ayaw sa pagsiping sa asawa sa ano pa mang dahilan ay indikasyon ng isang seryosong personality disorder na nagpapakita ng kawalan ng pakialam o kakayahan na bigyang kahalagahan ang kasal ayon sa dinidikta ng Art. 36 ng Family Code.
Walang silbi ang pag-ibig kung hindi ito ibinabahagi sa iba. Ang pinakamalupit na magagawa ng isang tao ay sabihan ang kanyang asawa na wala siyang pakialam dito. Ang pagtatalik ng mag-asawa ang bumubuo sa kanila. Lalong pinatitibay ng pagtatalik ang pagsasama ng mag-asawa at ito rin ang paraan para sila magkaanak.
Ang pagsasama ng mag-asawa ay pangdalawahan. Kailangan na mahal at kailangan nila ang isa’t isa. Ang pag-alala ng damdamin ng bawat isa ay isang paraan para siguraduhin na magtatagal ang kanilang relasyon. Ang kasal ay para sa dalawang tao na tumitingin sa kanilang pagsasama ng may pagmamahal, respeto, sakripisyo at pananagutan sa kanilang relasyon. Alam nila dapat ang kahalagahan nito (Chi Ming Tsoi vs. Gina Lao-Tsoi, G.R. 119190, Enero 16, 1997).
- Latest