EDITORYAL - Stop na ang MVIS
Pinal na ang desisyon ng Land Transportation Office (LTO) na pagpapahinto sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) para makapagrehistro ng sasakyan. Sa memorandum ng LTO, sinasabi na ang mandatory vehicle testing na isinasagawa ng private motor vehicle inspection centers ay hindi na ipagpapatuloy. Ibig sabihin, ang dati pa ring sistema ang susundin kapag magpaparehistro ng sasakyan.
Malaking kaginhawahan ito sa mga motorista. Bukod sa ang dati pa ring sistema ang ipatutupad, ang inspection fees at emission testing fees ay ganun pa rin ang halaga. Sa hirap na dinaranas ngayon dahil sa pandemya, ang pagdaragdag ng bayarin sa pagpaparehistro ay malaking pasanin.
Maraming reklamo ang natanggap nang ipatupad ang MVIS noong Disyembre ng nakaraang taon. Umangal ang mga nagpaparehistro ng sasakyan sapagkat sobrang mahal ng singil para sa inspection – P1,800. Kapag may nakitang depekto ang inspection centers, panibagong inspeksiyon muli at panibagong bayad na naman.
Nang marinig ni Presidente Duterte ang hinaing ng mga motorista, ipinag-utos na huwag nang gawing mandatory ang MVIS. Nakita ng Presidente ang pinagdaraanang krisis dulot ng pandemic kaya agad siyang nagpasya. Hanggang ipasya ng LTO na itigil na ang MVIS bilang requirement sa pagpaparehistro.
Una nang nanawagan sina Senators Grace Poe at Ralph Recto na suspendihin ang MVIS dahil hindi ito nagkaroon ng konsultasyon sa publiko. Isa pang kuwestiyon ay masyadong mataas ang singil ng pribadong inspection centers. Malinaw anila na source ito ng korapsiyon.
Maganda sana ang hangarin ng MVIS para sa kaligtasan ng mamamayan at mga motorista. Subalit may mali sa pag-iimplement sapagkat ang nararapat higpitan ay ang mga pampublikong sasakyan na kadalasang nasasangkot sa mga banggaan, pagkasira ng preno, pagkahulog sa bangin at pasahero ang nagbubuwis ng buhay.
Kasabay sa paghigpit sa pag-iinspection, maghigpit din ang LTO sa pag-iisyu ng lisensiya sa drivers. Maraming driver ang walang kasanayan sa pagmamaneho at ugat ng mga kalunus-lunos na trahedya sa kalsada.
- Latest